Grant Agreement nilagdaan ng JICA at IOM upang palakasin ang maternal at child health services para sa mga IDP sa BASULTA
- Diane Hora
- Jan 28
- 2 min read
iMINDSPH

Sinaksihan ng Ministry of Health – BARMM at kinatawan ng Sulu Provincial Health Office mula sa Region IX, ang paglagda sa Grant Agreement ng Japan International Cooperation Agency o JICA at ng International Organization for Migration o IOM sa Ministers Hall ng MOH Office, sa Bangsamoro Government Center, Cotabato City.
Ito ay proyektong naglalayong palakasin ang maternal at child health services para sa mga internally displaced persons o IDPs sa mga liblib at conflict-affected na lugar ng Basilan, Sulu, at Tawi-Tawi o BaSulTa.
Isinasagawa ang proyekto sa ilalim ng temang “Resilient and Equitable Access to Care and Health in BaSulTa (REACH-BaSulTa)”, na nakatuon sa pagpapabuti ng access sa serbisyong pangkalusugan ng mga ina at bata sa unserved at underserved areas (UUA) ng BaSulTa, partikular sa mga malalayong isla na matagal nang nahaharap sa kakulangan ng pasilidad at serbisyong medikal.
Layunin ng inisyatiba na itaas ang antas ng mga pasilidad pangkalusugan at palakasin ang delivery ng health care services, lalo na para sa mga buntis, bagong panganak, at mga bata—mga sektor na pinakaapektado sa panahon ng krisis at displacement.
Kasabay ng signing ng Grant Agreement, isinagawa rin ang isang inception meeting upang maayos na maplano ang implementasyon ng proyekto. Tinalakay dito ang mga inaasahang resulta, kabuuang balangkas ng proyekto, health strategies, framework at key indicators, gayundin ang mga tungkulin ng bawat stakeholder, engagement approach, at feedback mula sa mga katuwang na ahensya.
Ayon sa mga opisyal, ang REACH-BaSulTa Project ay mahalagang hakbang upang matiyak na ang mga komunidad sa pinaka-naaapektuhan at pinakamalalayong lugar ng Bangsamoro ay hindi naiiwan sa access sa dekalidad, makatarungan, at matatag na serbisyong pangkalusugan, lalo na para sa mga ina at bata.



Comments