Grupo ni MILF-BIAF 118TH Base Commander Wahid Tundok at dating Datu Saudi Ampatuan Mayor Edris “Resty” Sindatok, nagkasundo nang tuldokan ang kanilang alitan
- Diane Hora
- Oct 20
- 2 min read
iMINDSPH

Sa harap ni Maguindanao del Sur Governor Datu Ali Midtimbang, tinapos na ng grupo nina 118th Moro Islamic Liberation Front-BIAF Base Commander Wahid Tundo at former Datu Saudi Ampatuan Mayor Edris “Resty” Sindatok ang kanilang hindi pagkakaunawaan sa pamamagitan ng paglagda sa isang kasunduan, araw ng Linggo, October 19.
Lumagda rin sa kasunduan sina Ebrahim Guno, Punong Barangay ng Dapiawan; Aliarsad Abdulbayan, Punong Barangay ng Gawang; at mga kumander na sina Mahdi Adam, Commander ng 17th Brigade, 118th Base Command, MILF-BIAF; Fahad Adam, Commander, Expeditionary Unit, 118th Base Command, MILF-BIAF; Abdulnasser Kamsa, Commander, 3rd Brigade, IDF, 118th Base Command, MILF-BIAF; at Ayob Sinsuat, Commander, National Inner Guard Base Command, MILF-BIAF.
Ginanap ang pagkakasundo at paglagda sa opisina ng gobernador sa Barangay Midtimbang, Talayan, Maguindanao del Sur.
Ayon sa provincial government, ang kasunduang ito ay naglalayong wakasan ang mga alitan at rido sa pagitan ng mga nabanggit na partido upang mapanumbalik ang kapayapaan, pagtutulungan, at pag-unlad sa mga barangay ng Gawang, Dapiawan, Kitango, Kitapok, Elian, at iba pang apektadong lugar sa Bayan ng Datu Saudi Ampatuan.
Ayon sa provincial government, nakasaad sa kasunduan ang sumusunod:
1. Ang lahat ng partido ay nangakong susunod at magpapatupad ng Human
Rights (HR), International Humanitarian Law (IHL), Rule of Law
(ROL), Presidential Decree No. 1083 (Code of Muslim Personal
Laws), Republic Act No. 7160 (Local Government Code - Barangay Mediation Framework), at Republic Act No. 11054 (Bangsamoro Organic Law) bilang gabay sa pagpapatupad ng Shari'ah Law.
2. Ang bawat panig ay pormal na magpapahayag ng pagtatapos ng rido, tanda ng kapatawaran at pagkakasundo. Ang seremonyang ito ay dadaluhan ng mga kinatawan mula sa LGU, mga Ulama, mga Konseho ng Nakatatanda, at mga kinauukulang peace mechanism.
3. Ang lahat ng panig ay mahigpit na magbabawal sa anumang pagpapaputok, pananakot, o armadong pag-atake sa mga komunidad. Anumang paglabag ay ituturing na act of terrorism at sasailalim sa naaangkop na batas.
4. Ang lahat ng mamamayang naapektuhan at lumikas dahil sa rido ay papayagang makabalik sa kani-kanilang tahanan at kabuhayan nang walang pangamba.
5. Walang sinuman sa magkabilang panig ang maaaring magdala ng armas o gumawa ng anumang karahasan tulad ng pagsunog ng bahay, paninira ng ari-arian, o pagkuha ng hindi kanila, partikular sa mga barangay ng Gawang, Dapiawan, Kitango, Kitapok, Elian, at mga karatig lugar.
6. Lahat ng pangyayari na maaring makaapekto sa kasunduang ito ay dapat-agad iulat sa mga yunit ng Philippine Army, PNP, MILF-CCCH, at sa LGU upang maresolba sa tamang proseso sa tulong ng Municipal Peace and Order Council (MPOC) o iba pang itinalagang komite.



Comments