top of page

Hazing at marahas na “reception rites” laban sa mga bagong MILF at MNLF police integrees sa RMFB 14B sa Lamitan City, Basilan, mariin na kinondena ng MNLF

  • Diane Hora
  • 15 hours ago
  • 1 min read

iMINDSPH




Malinaw na labag sa batas at hindi makatao ayon sa MNLF, ang anumang uri ng pananakit o hazing, lalo na sa mga indibidwal na kusang pumasok sa serbisyo upang magsilbi sa kapayapaan.


Ito’y kasunod ng naganap na hazing at marahas na “reception rites” na umano’y ginawa laban sa mga bagong MILF at MNLF police integrees sa Regional Mobile Force Battalion 14B na nakabase sa Lamitan City, Basilan.


Binigyang-diin ng grupo na ang integration ng mga kwalipikadong miyembro ng MNLF at MILF sa Philippine National Police sa ilalim ng Republic Act No. 11054 ay isang makasaysayang hakbang tungo sa pangmatagalang kapayapaan sa Bangsamoro.


Layunin umano ng integration program na baguhin ang dating mga combatant bilang tagapangalaga ng mamamayan—mga pulis na may pananagutan sa batas, nagpoprotekta sa komunidad, at nagtataguyod ng tiwala ng publiko. Dahil dito, iginiit ng MNLF na ang hazing at karahasan ay sumisira sa diwa at layunin ng programang pangkapayapaan.


Dagdag pa ng MNLF, ang mga insidenteng ito ay tahasang paglabag sa Republic Act No. 11053 at isang paglapastangan sa dignidad at sakripisyo ng mga integrees na pumasok sa serbisyo nang may mabuting hangarin—ang piliin ang kapayapaan kaysa sigalot.


Nanawagan ang MNLF ng agarang, masusi, at walang kinikilingang imbestigasyon, at hiniling ang pananagutan ng mga sangkot. Ayon sa grupo, walang puwang ang ganitong gawain sa isang institusyong inatasang magtaguyod ng karapatang pantao at magpatupad ng batas.


Binigyang-diin ng MNLF na ang peacebuilding ay nangangailangan ng katapatan, respeto, at mahigpit na pagsunod sa batas. Naninindigan ang grupo na ipagtanggol ang karapatan at kapakanan ng mga integrees, at igiit ang rule of law, upang matiyak ang kapayapaan, seguridad, at hustisya para sa mamamayan ng Bangsamoro.

 
 
 

Comments

Rated 0 out of 5 stars.
No ratings yet

Add a rating

©2024 by iMINDS PHILIPPINES. All Rights Reserved

bottom of page