top of page

High Functional sa ADAC performance audit ng DILG ang probinsya ng Maguindanao del Sur

  • Feb 24
  • 1 min read

iMINDSPH



Opisyal na kinilala ang Pamahalaang Panlalawigan ng Maguindanao del Sur bilang “High Functional” sa isinagawang 2025 Anti-Drug Abuse Council (ADAC) Performance Audit ng DILG.


Ayon sa provincial government, patunay ito ng matatag at tuluy-tuloy nilang kampanya laban sa iligal na droga sa pamamagitan ng mahusay na pamamahala, pinaigting na ugnayan ng mga ahensya, at sustenableng community-based strategies.


Ang probinsya ng Maguindanao del Sur ang nag-iisang lalawigan sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) na nakatanggap ng High Functional rating ngayong taon—isang pagkilalang sumasalamin anila sa liderato at dedikasyon ng lalawigan sa pagsusulong ng mas ligtas at mas maayos na komunidad.


Pinamumunuan ang Provincial ADAC ni Governor Datu Ali Midtimbang na nanguna sa pagpapatupad ng mga programang tumugon at lumampas pa sa itinakdang pamantayan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) at mga katuwang nitong ahensya para sa audit year.


Sa ilalim ng ADAC framework, sinusuri ang mga lokal na pamahalaan batay sa kanilang polisiya, programa, at aktibong partisipasyon sa kampanya kontra droga—kabilang ang prevention, intervention, enforcement, at rehabilitation initiatives.


Binigyang-diin ng pamahalaang panlalawigan na ang naturang pagkilala ay bunga ng kolektibong pagsisikap ng mga lokal na opisyal, law enforcement agencies, at komunidad sa pagpapatatag ng anti-drug governance sa lalawigan.


Sa patuloy na pagpapatupad ng mas sistematikong mga programa at mas malawak na koordinasyon, inaasahan ng pamunuan na mas mapapalakas pa ang kampanya laban sa iligal na droga at masisiguro ang kaligtasan at kapakanan ng bawat mamamayan sa Maguindanao del Sur.

 
 
 

Comments

Rated 0 out of 5 stars.
No ratings yet

Add a rating

©2024 by iMINDS PHILIPPINES. All Rights Reserved

bottom of page