High-powered firearms at mga bala, nasamsam sa entrapment operation sa Sultan Kudarat, Maguindanao del Norte; Suspek, nakatakas
- Jan 19
- 1 min read
iMINDSPH

Nasamsam ng awtoridad ang ilang high-powered firearms at mga bala sa isang entrapment operation. Isinagawa ang operasyon laban sa isang lalaking 40-years old, kaugnay ng paglabag sa Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act, matapos makatanggap ng beripikadong intelligence information na sangkot umano ito sa iligal na bentahan ng baril.
Pinangunahan ang operasyon ng RDEU–RSOG, katuwang ang RIAT-RID, RMFB 14-A, PIU Maguindanao del Norte, 4th MP 1st PMFC, at Sultan Kudarat Municipal Police Station. Sa tulong ng isang confidential informant, isinagawa ang isang buy-bust transaction.
Habang isinasagawa ang transaksyon sa loob ng sasakyan ng suspek, napansin ng mga operatiba ang presensya ng ilang baril. Subalit nang maghinala ang suspek matapos makakita ng mga sasakyang pinaniniwalaan niyang pag-aari ng pulisya, iniwan nito ang sasakyan at tumakbo. Agad na nagsagawa ng hot pursuit ang mga pulis, ngunit nakatakas ang suspek.
Isinailalim sa search ang iniwang sasakyan kung saan nasamsam ang ilang high-powered firearms, mga assorted magazines, live ammunition, war belt, mga identification cards, boodle money na ginamit sa operasyon, at ang mismong sasakyan na ginamit sa iligal na transaksyon.
Ang lahat ng nakumpiskang baril at bala ay maayos na minarkahan at inimbentaryo sa lugar ng pagkakasamsam at isasailalim sa forensic examination ng Regional Forensic Unit–BARMM.



Comments