High-Value Individual at isang street-level individual, arestado sa buy-bust operation sa Barangay Maa, Davao City; ₱1.04M marijuana, nasamsam
- Dec 31, 2025
- 2 min read
iMINDSPH

₱1.04 million na halaga ng hinihinalang marijuana ang nasamsam sa buy-bust operation. Arestado naman ang isang High-Value Individual at isang Street-Level Individual sa operasyon. Kinilala ng awtoridad ang naaresto na si alias “Boss”, 25-anyos, isang High-Value Individual at priority drug target ng DCPO, kasama ang alias “Kirby”, 30-anyos, na itinuturing na street-level individual. Kapwa residente ng Punta Dumalag 1, Barangay Matina Aplaya, Davao City ang mga suspek.
Nasamsam sa operasyon ang mga hinihinalang high-grade dried marijuana leaves at fruiting tops na may tinatayang halagang ₱120,000, at mga disposable vape pens na naglalaman ng hinihinalang liquid marijuana na nagkakahalaga ng humigit-kumulang ₱925,000.
Kabilang din sa mga nakumpiskang ebidensya ang buy-bust money, cellular phone, bag, drug paraphernalia, at isang Yamaha Mio motorcycle kasama ang helmet.
Ang mga suspek ay kasalukuyang nasa kustodiya ng pulisya at mahaharap sa kaukulang kaso sa paglabag sa Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Bandang alas-3:13 ng hapon, araw ng Disyembre 30, 2025, isinagawa ang buy-bust operation ng Davao City Police Office sa pamamagitan ng City Drug Enforcement Unit at City Special Operations Group, katuwang ang PS16-Maa, sa Purok 27, Padaman Riverside, Barangay Maa, Davao City.
Ayon kay DCPO Acting City Director PCOL Mannan Caracas Muarip, ang pagkakaaresto kay alias “Boss” ay isang malaking tagumpay sa pinaigting na kampanya ng pulisya laban sa ilegal na droga sa lungsod.
Dagdag pa ng opisyal, patuloy na magsasagawa ang DCPO ng masusing, intelligence-driven, at makatarungang operasyon upang buwagin ang mga illegal drug networks at maprotektahan ang komunidad, lalo na ang kabataan.
Patuloy namang hinihikayat ng DCPO ang publiko na makipagtulungan at suportahan ang kampanya ng kapulisan tungo sa isang ligtas at drug-free na Davao City.



Comments