top of page

Iba’t ibang palaro at aktibidad, tampok sa Kudaraten Festival 2026 ng Sultan Kudarat LGU

  • Jan 9
  • 2 min read

iMINDSPH


Mas pinasaya at mas makulay na Kudaraten Festival ang aasahan ngayong taong 2026 sa bayan ng Sultan Kudarat, Maguindanao del Norte.


Sa 9th Kudaraten Festival 2026, matutunghayan ang pagdiriwang ng kultura, kasiyahan, at pagkakaisa ng mamamayan.


Mula Enero 26 hanggang Pebrero 14, 2026, inaasahang magiging maliwanag at buhay na buhay ang buong bayan sa sunod-sunod na aktibidad na magpapakita ng mayamang kultura at tradisyon ng lugar—mula sports, musika, sayaw, hanggang sa mga aktibidad na nagtataguyod ng kapayapaan at pagkakaisa.


Magbubukas ang selebrasyon sa Enero 26 sa pamamagitan ng Parade of Lights, kasabay ang opening of trade fair, fireworks display, at ceremonial lighting ng municipal plaza.


Susundan ito ng 11th Datu Shameem Mastura Basketball Cup mula Enero 27 hanggang Pebrero 2, habang ang Datu Shameem Mastura Volleyball Cup ay gaganapin mula Pebrero 3 hanggang Pebrero 5.


Kasama rin sa mga tampok na aktibidad ang Night Fun Run sa Pebrero 4, Moro Song Concert sa Pebrero 5, at Peace Caravan sa Pebrero 9.


Sa Pebrero 10, tampok ang Laro ng Lahi, na susundan ng Kulintang Ensemble Competition sa Pebrero 11—isang pagbibigay-pugay sa tradisyunal na musika ng mga Moro.


Hindi rin pahuhuli ang mga water-based events tulad ng Fluvial Parade at Kayak and Pumboat Race sa Pebrero 12, habang ang Dindang sa Kudaraten—isang Mindanao-wide dance drama—ay gaganapin sa Pebrero 13.


Tatapusin ang selebrasyon sa isang Grand Concert sa Pebrero 14.


Ayon kay Mayor Datu Shameem Biruar Mastura, bukas ang Kudaraten Festival para sa lahat.


Inaanyayahan niya ang publiko na makiisa at makisaya sa sama-samang pagdiriwang na hindi lamang aliwan, kundi paggunita rin sa identidad, kultura, at pagkakaisang nagbubuklod sa komunidad.


Sa 9th Kudaraten Festival 2026, malinaw ang mensahe: kapag kultura ang ipinagdiriwang, mas nagiging matibay ang samahan ng mamamayan.

 
 
 

Comments

Rated 0 out of 5 stars.
No ratings yet

Add a rating

©2024 by iMINDS PHILIPPINES. All Rights Reserved

bottom of page