Mahigit 1,500 job vacancies, hatid ng MOLE sa isinagawang job fair sa SGA; 6 asosasyon, tumanggap ng tig-P50K mula sa MOLE sa ilalim ng BREED program; BIDP registration, isinagawa
- Diane Hora
- 3 hours ago
- 2 min read
iMINDSPH

Bilang bahagi ng ika-7 Founding Anniversary ng SGA noong Pebrero 8, 2026, isinagawa ng MOLE BARMM ang job fair sa Crossing Kapinpilan, bayan ng Kadayangan.
Sa halip na ang mga mamamayan ang pumunta sa tanggapan ng gobyerno, ang serbisyo mismo ang dinala sa kanila—mula job opportunities hanggang tulong pangkabuhayan—lalo na para sa mga manggagawa at asosasyon sa mga liblib na lugar ng SGA.
Isinagawa ang pagdiriwang sa ilalim ng temang “Pitong Taong Pagkakaisa: Bangsamoro Muttahidun, Li-hadafin Wahid” o Seven Years of Unity: One Bangsamoro, One Shared Goal, kung saan mula Pebrero 7 hanggang 15 ay sabay-sabay na naghatid ng serbisyo ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan sa pamamagitan ng service caravans para sa SGA communities.
Sa kanyang mensahe, iginiit ni MOLE Minister Muslimin Sema, na ang kapayapaan ang pundasyon ng kaunlaran na ngayon ay unti-unting nararamdaman ng mga Bangsamoro sa SGA. Aniya, ang mga benepisyong tinatamasa ngayon ng komunidad ay bunga ng sama-samang sakripisyo at pagtutulungan ng mamamayan.
Bilang konkretong tulong, 1,557 local at overseas job vacancies ang hatid ng MOLE, isang agarang oportunidad ayon sa ministry para sa mga residente na naghahanap ng hanapbuhay nang hindi na kinakailangang lumayo sa kanilang lugar.
Bukod dito, anim na rural workers’ associations mula sa iba’t ibang munisipalidad ng SGA ang tumanggap ng tig-₱50,000 livelihood assistance sa ilalim ng Bangsamoro Rural Employment through Entrepreneurial Development o BREED Program, na inaasahang magpapalakas ng kanilang mga income-generating activities.
Pinadali rin ng MOLE ang registration ng mga aplikante para sa Bangsamoro Internship Development Program (BIDP), workers’ associations at private establishments sa ilalim ng Rule 1020, gayundin ang aplikasyon sa Reintegration Program para sa Balik Bangsamoro Hanap Trabaho—lahat ay nakatuon sa pagbibigay ng mas maraming opsyon sa mga residente ng SGA.
Ayon kay Minister Sema, tuloy-tuloy ang commitment ng MOLE na palawakin ang employment at livelihood programs sa SGA upang matiyak na ang kapayapaan ay may kaakibat na tunay at ramdam na kaunlaran para sa mga Bangsamoro communities.



Comments