Isa sa mga suspek sa grenade-throwing incident sa Matalam, Cotabato na ikinasugat ng 22 indibidwal, nasawi sa pursuit operation ng awtoridad
- Jan 2
- 1 min read
iMINDSPH

Nasawi sa pursuit operation ng awtoridad ang isa sa mga suspek sa grenade-throwing incident sa Matalam, Cotabato na ikinasugat ng dalawampu’t dalawang indibidwal.
Ayon sa report ng Provincial Police Office ng Cotabato, ikinasa ang pursuit operation bandang alas-8:00 ng gabi noong Enero 1, 2026 sa Purok 6, Barangay Kilada, Matalam, Cotabato.
Kinilala ang suspek sa alyas na “Ansa,” nasa humigit-kumulang 40 taong gulang, may asawa, walang trabaho, at residente ng naturang barangay.
Ayon sa ulat, isa siya sa mga itinuturong responsable sa paghahagis ng granada na naganap sa Purok Ipil-Ipil, Barangay Dalapitan, Matalam, Cotabato noong New Year’s Eve.
Ang operasyon ayon sa CCPO, ang m ay isinagawa ng Matalam Municipal Police Station bilang lead unit, kasama ang 1st Cotabato Provincial Mobile Force Company ng Philippine National Police, matapos matukoy ang kinaroroonan ng suspek.
Gayunman, nang lapitan umano ng mga pulis ang suspek upang arestuhin, pinaputukan umano nito ang operating team, kaya napilitan ang awtoridad na gumanti ng putok. Nagtamo ng sugat ang suspek.
Narekober mula sa pinangyarihan ng insidente ang isang .45 caliber pistol, apat na fired cartridge cases mula sa kalibreng .45, at tatlong fired cartridge cases mula sa M16 rifle.
Agad na isinailalim sa security at cordon ang lugar ng insidente. Isinugod ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) ng Matalam ang sugatang suspek sa Babol General Hospital sa Poblacion, Matalam, Cotabato para sa medikal na atensyon, subalit idineklara umano itong dead on arrival.
Nakipag-ugnayan na rin ang mga awtoridad sa Scene of the Crime Operatives (SOCO) mula Kidapawan City para sa masusing crime scene processing at patuloy na imbestigasyon kaugnay ng insidente.



Comments