Isinagawa ng NAC sa Camp Darapanan, Simuay, Sultan Kudarat kung saan 51 kumander at miyembro ng MILF ang naghain ng aplikasyon
- Feb 26
- 2 min read
iMINDSPH

Bago ang March 4, 2026 na itinakdang deadline ng gobyerno sa Moro Islamic Liberation Front para sa paghahain ng amnesty application, nadagdagan pa ang bilang ng mga MILF na naghain ng aplikasyon.
Limampu’t isang miyembro pa ng organisasyon ang pormal na naghain ng kanilang amnesty application, araw ng Miyerkules sa isinagawang Information, Education, and Communication o IEC Campaign at Mass Intake ng Amnesty Applications sa Camp Darapanan, Simuay, Sultan Kudarat, Maguindanao del Norte.
Ayon sa National Amnesty Commission, isang daan at limampung miyembro ng MILF ang kanilang inaasahang maghahain ng amnesty application sa ginanap na IEC campaign at mass intake.
Pero limampu’t isa lang ang nakapaghain, sa bilang na ito, dalawa ay mga decommissioned combatants.
Ang hakbang ay pinangunahan ng GPH Peace Implementing Panel sa pakikipagtulungan ng MILF Peace Implementing Panel sa pamamagitan ng National Amnesty Commission
Nanguna sa IEC campaign at mass intake sa panig ng MILF, si MILF-AHJAG Chairman Anwar Alamada na siyang authorized Certifying Officer para sa mga BIAF-MILF members na mag-a-apply ng amnestiya.
Ang ikalawang bahagi ng IEC Campaign at Mass Intake ng MILF Amnesty Applications ay isinagawa naman ngayong araw sa Mamasapano Municipal Training Center, Maguindanao del Sur.
As of February 25, 2026, isang libo at tatlumpu’t siyam na MILF members na ang pormal na nakapaghain ng kanilang application for amnesty sa NAC.
Kabilang dito ang kasalukuyang miyembro ng BTA Parliament na si Solaiman Ali, Jack Abas, Dan Asnawi, Jannati Mimbantas At kumander Bravo.
Si Kumander Jannati Mimbantas ang kauna unahang amnesty applicant mula sa MILF na nabigyan na ng notice of decision noong September 2025 at nakatakdang gawaran ng kanilang sertipikasyon ngayong Marso.
Bago ang dalawang araw na IEC Campaign at Mass Intake matagumpay nang naisagawa ng Local Amnesty Board Cotabato ang case conference ng amnesty application nina kumander Abdullah Pungot Abas o Kagui Bayan Abas, kumander Nayang Timan, kumander Zainuddin Uday Sindatok o mas kilala bilang kumander Haun at Abdulwahid Pandita Halil o mas kilala sa Wahid Tundok.
Hinihikayat ng National Amnesty Commission ang mga miyembro ng MILF na nagnanais mag avail sa programa na magsumite na ng aplikasyon.



Comments