Kauna-unahang education summit ng mga pribadong paaralan sa BARMM, isinagawa ng MBHTE sa Cotabato City
- Diane Hora
- Oct 2
- 1 min read
iMINDSPH

Inilunsad ng Ministry of Basic, Higher and Technical Education (MBHTE) ang kauna-unahang Education Summit para sa mga Pribadong Paaralan sa KCC Convention Center, Cotabato City.
Ito’y sa pamamagitan ng Directorate General for Basic Education’s (DGBE) Quality Assurance Section
Ang dalawang-araw na aktibidad, na nagsimula araw ng Oktubre 1 at magtatapos sa Oktubre 2, ay may temang: “Shaping the Bangsamoro Education Together: Empowering Private Schools through Partnership for Inclusive, Innovative & Quality Education for Every Bangsamoro Learner.”
Dumalo ang mga administrator at opisyal ng mga pribadong paaralan mula sa iba’t ibang bahagi ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) na may layuning magtulungan upang mapaunlad ang kalidad ng edukasyon sa rehiyon.
Tampok sa aktibidad ang plenary sessions, panel discussions, at workshops na pinangungunahan ng mga opisyal ng MBHTE, kinatawan mula sa Department of Education (DepEd), at mga eksperto sa edukasyon. Tinalakay dito ang pamamahala ng mga pribadong paaralan, mga update sa polisiya, at pagpapabuti ng pagtuturo at pagkatuto.
Ipinahayag naman ni Deputy Minister Haron Meling, na kumatawan kay Minister Mohagher Iqbal, ang kahalagahan ng mas matibay na ugnayan ng Ministry at ng private school sector.
Itinuturing ng MBHTE na isang mahalagang hakbang ang summit na ito upang higit pang pagtibayin ang kooperasyon ng MBHTE at mga pribadong paaralan, na naglalayong matiyak na ang bawat Bangsamoro learner—sa pampubliko man o pribadong institusyon—ay may pantay na akses sa de-kalidad, inklusibo, at makabagong edukasyon.



Comments