Kauna-unahang paaralan na itinayo ng MBHTE BARMM sa Paigoay Coda, Marogong, LDS, nagbigay ng pag-asa, pagbabago at tagumpay ng edukasyon sa mga mga mag-aaral
- Diane Hora
- Oct 21
- 2 min read
iMINDSPH

Sa nakalipas na maraming taon, hirap ang mga mag-aaral sa Paigoay Coda, isang liblib na barangay na may layong 7.5 kilometro mula sa sentro ng Marogong, Lanao del Sur.
Kailangang maglakad ng isa at kalahating oras upang marating ang pinakamalapit na paaralan.
Pero nagbago ang lahat ng ito nang magbukas ang Paigoay Coda Learning Center sa pamamagitan ng Abot Kaalaman sa Pamilyang Bangsamoro o AKAP program na isang inisyatiba ng MBHTE na sinuportahan ng Australian Government sa pamamagitan ng Education Pathways to Peace in Mindanao o Pathways program.
Nais ng programa na ang mga batang nasa Kindergarten hanggang Grade 3 sa mga liblib at walang paaralang komunidad sa Bangsamoro ay mabigyan ng access sa dekalidad na edukasyon at magsilbing daan sa kapayapaan at inklusibong pag-unlad.
Isang taon pa lamang ang nakalipas ng maitatag ang Paigoay Coda Learning Center kasama ang unang klase sa kindergarten, ngayon ay lumawak ito upang maipabilang ang grade 1.
May kabuuang 49 mag-aaral sa ngayon, ngunit inaasahang madadagdagan pa ito.
Sa buong rehiyon, ramdam ang epekto ng AKAP.
Ayon sa report, umabot na ito sa 143 sa liblib na mga barangay at nitong school year 2024–2025, mayroong 130 aktibong learning centers na pinapasukan ng higit 8,300 batang mag-aaral na nagtala ng 8% na pagtaas kumpara sa nakaraang taon.
Labintatlong learning centers ang naipasok na sa pormal na public school system, habang may karagdagang 19 pang planong buksan sa susunod na school year.
Mahigit 189 learning facilitators na rin ang tinustusan ng MBHTE, habang 93 ay suportado ng Pathways na inaasahang ililipat sa ilalim ng MBHTE simula noong Hulyo 2025.
Sa bayan ng Marogong, labing isa sa dalawampu’t apat na barangay ay mayroon nang sariling AKAP learning center.
At para sa mga batang nakatapos ng Grade 3, tumutuloy sila sa Marogong Elementary School, na ngayon ay may Grade 4 na rin dahil sa lumalaking bilang ng mga mag-aaral.
Ang pagbubukas ng klase sa Paigoay Coda at iba pang AKAP learning centers ay patunay ng paniniwala ng mga Bangsamoro sa kapangyarihan ng edukasyon.



Comments