Konsultasyon at adbokasiya hinggil sa panukalang Magna Carta of Persons with Disabilities, isinagawa ng MSSD BARMM kasabay ng Disability Sensitivity Training para sa mga miyembro ng BCDA
- Dec 30, 2025
- 2 min read
iMINDSPH

Pinangunahan ang aktibidad ng Ministry of Social Services and Development bilang bahagi ng layunin nitong palakasin ang kaalaman at kamalayan hinggil sa disability rights at isulong ang inclusive governance sa buong Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao.
Isinagawa ang Consultation at Advocacy hinggil sa Magna Carta of Persons with Disabilities mula Disyembre 17 hanggang 20 sa Davao City, kasabay ng Disability Sensitivity Training para sa mga miyembro ng Bangsamoro Committee on Disability Affairs (BCDA).
Inilatag sa aktibidad ang kabuuan ng panukalang Magna Carta of Persons with Disabilities para sa BARMM.
Pinangunahan din ni MSSD Minister Raissa Jajurie ang dayalogo kasama ang mga kalahok upang mangalap ng mahahalagang pananaw at rekomendasyon para sa panukalang batas.
Sentro ng talakayan ang Government of the Day Bill, na naglalayong i-institutionalize ang disability-inclusive governance sa rehiyon. Iminungkahi ring maging bahagi ng serbisyong pampubliko ang sign language upang matiyak na ang bawat opisina ay makakapaglingkod nang walang hadlang sa komunikasyon.
Binibigyang-diin ng panukala ang pananagutan ng kasalukuyang administrasyon na maisama ang karapatan, kapakanan, at kaunlaran ng mga PWDs sa mga polisiya, programa, at prayoridad sa badyet ng Bangsamoro Government.
Ang BCDA, na binubuo ng mga kinatawan mula sa iba’t ibang ministeryo, tanggapan, at ahensya ng BARMM, ay inaasahang higit pang mapapalakas ang kakayahan bilang coordinating at monitoring body ng pamahalaan para sa kapakanan ng mga persons with disabilities.
Hinikayat din ang mga kalahok na isama ang disability-inclusive practices sa kani-kanilang mandato at programa upang matiyak na ang karapatan, dignidad, at aktibong partisipasyon ng mga persons with disabilities ay tunay na naipatutupad sa lahat ng antas ng serbisyong pampubliko.



Comments