Korte Suprema, sinimulan na ang pagtatatag ng Shari’ah High Court sa BARMM
- Diane Hora
- Jan 22
- 1 min read
iMINDSPH

Sa sesyon ng Supreme Court En Banc, araw ng Miyerkules, Enero 21, 2026, pormal na inilunsad ng Korte Suprema ang proseso para sa pagtatatag ng Shari’ah High Court sa ilalim ng Article Ten ng Republic Act Number 11054, o ang Bangsamoro Organic Law.
Sa isang resolusyong isinulat ni Associate Justice Japar Dimampao, inatasan ng Korte Suprema ang Office of the Court Administrator at ang Fiscal and Budget Management Office na ihanda at isumite ang kinakailangang budget at staffing pattern para sa operasyunal na pagsisimula ng Shari’ah High Court sa susunod na fiscal year.
Ang hakbang na ito ay kasunod ng pormal na kahilingan ng Bangsamoro Transition Athority na agarang maisaayos ang organisasyon ng Shari’ah High Court, dahil sa pangangailangang ganap na maipatupad ang mga probisyon ng Bangsamoro Organic Law na may kaugnayan sa Shari’ah justice system sa BARMM.
Ipinaliwanag ng Korte Suprema na sa ilalim ng Republic Act No. 12233 o ang Judiciary Fical Autonomy Act, may kapangyarihan itong magmungkahi ng pondo at plantilla para sa operasyon ng hudikatura sa bansa—kabilang na ang Shari’ah Circuit Courts, Shari’ah District Courts, at ang Shari’ah High Court.
Dagdag pa ng Korte Suprema, ang inisyatibang ito ay bahagi ng kanilang pangakong bigyang-buhay ang layunin ng batas na maghatid ng hustisyang nakaayon sa natatanging kultura, kasaysayan, at pagkakakilanlan ng mamamayang Bangsamoro.



Comments