top of page

Labor Summit at Bangsamoro olympics 2025 ng MOLE, matagumpay

  • Diane Hora
  • Nov 3
  • 2 min read

iMINDSPH


ree


Sa ilalim ng temang “Putting BARMM Workers on the Pedestal of Dignity: Our Vision”, matagumpay na naidaos ang Bangsamoro Labor Summit at Productivity Olympics 2025 noong October 29.


Sa pangunguna ng Ministry of Labor and Employment, nagkaroon ng iba’t-ibang aktibidad at pagkakataon ang ministry, iba pang ahensya sa BARMM, mga employers at kompanya, at mga manggagawa na palakasin ang ugnayan sa pagitan ng mga manggagawa, pribadong sektor at pamahalaan tungo sa mas inklusibong ekonomiya at makataong paggawa sa Bangsamoro region.


Binigyang-diin ni MOLE Minister Muslimin “Bapa Mus” Sema na ang tripartism o ang pagtutulungan ng mga manggagawa, employer at pamahalaan ay ang mahalaga at maituturing na lakas ng Bangsamoro.


Sinabi naman ni BARMM Acting Senior Minister Abdullah Cusain, na kumatawan kay Chief Minister Abdulraof Macacua, ang mga manggagawang Bangsamoro ang puso at lakas ng pag-unlad ng rehiyon at patuloy silang bibigyang-kapangyarihan ng pamahalaan.


Bilang tampok na bahagi ng programa, isinagawa ang ceremonial signing ng mga resolusyon ng Bangsamoro Tripartite Industrial Peace Council.


Kabilang dito ang mga patakarang nag-aatas sa mga service providers mula sa labas ng rehiyon na kumuha ng accreditation bago mag-deploy ng workers sa BARMM at ang pagpapatibay sa occupational safety and health standards.


Pormal namang isinumite kay BTA Committee on Labor and Employment Chair ni Member of Parliament Alindatu Pagayao ang BTIPC resolutions kung saan kanyang binigyang-diin ang kahalagahan ng collaborative policymaking at patuloy na dayalogo sa pagitan ng pamahalaan, manggagawa at employers.


Pinuri naman ni DOLE-XII ang Bangsamoro Government at MOLE sa pagbuo ng Bangsamoro Labor and Employment Code.

Nagpaabot naman ng mensahe ang International Labour Organization Philippines kung saan tiniyak ng ILO ang patuloy na suporta nito sa Bangsamoro Government at MOLE tungo sa kinabukasang may disenteng trabaho at patas na oportunidad para sa lahat.

Ibinahagi naman ng Lamsan Group of Companies at Cotabato Light and Power Company ang kanilang best practices sa pagpapanatili ng ligtas, makatao, at produktibong workplace.


Tinalakay naman ng National Wages and Productivity Commission ang mahalagang papel ng productivity at gainsharing sa pagpapalago ng negosyo at pagpapabuti ng kalidad ng trabaho sa rehiyon.


Samantala, kinilala naman sa Bangsamoro Productivity Olympics 2025 ang mga MSMEs mula sa iba’t ibang lalawigan ng BARMM na nagpakita ng kahusayan sa innovation, decent work practices, sustainability at community impact.


Ginawaran ng special awards ang dalawang medium enterprises na Elena V. Co Hardware, Inc. mula Cotabato City at Guindulungan Doctors Hospital ng Maguindanao.


Walong small enterprises ang tumanggap ng Productivity Awards at ₱15,000 cash prize bawat isa:


Al-Mubaraak Crispy Boneless Fried Chicken (Basilan)

LRT Creations Baking and Catering Services (Basilan)

Lovelife Bakery (Sulu)

Ken’s Kitchen Restaurant (Tawi-Tawi)

Maxine Fried Chicken (Lanao del Sur)

Kitulaan Buy & Sell (SGA)

Antonio’s Place (Maguindanao)

Umping Store (SGA)


Itinanghal namang Productivity Champion ang weaving at antique souvenirs store na Noraya Antique Shop mula sa Lanao del Sur na tumanggap ng ₱50,000 cash prize.


Nag-anunsyo rin si MTIT Minister at BTWPB Vice-Chairperson Farserina Mohammad na ang mga nanalong MSMEs ay bibigyan ng karagdagang kapital sa pamamagitan ng Islamic microfinance sa susunod na taon, katuwang ang MOLE at MTIT.

 
 
 

Comments

Rated 0 out of 5 stars.
No ratings yet

Add a rating

©2024 by iMINDS PHILIPPINES. All Rights Reserved

bottom of page