LGU Sultan Mastura, pinasaya at ginawang makulay ang pagdiriwang ng National Family Week sa bayan
- Diane Hora
- Sep 29
- 1 min read
iMINDSPH

Masaya at makabuluhang ipinagdiwang ng Pamahalaang Lokal ng Sultan Mastura ang National Family Week 2025, sa pangunguna ni Mayor Datu Armando Mastura, Al-hadj.

Ang naturang selebrasyon ay ginanap sa municipal gymnasium ng Sultan Mastura, Maguindanao del Norte na may temang “Polisiyang Makapamilya Tungo sa Higit na Matatag, Maginhawa, at Panatag na Pamilyang Pilipino.
Tampok sa selebrasyon ang iba’t ibang aktibidad tulad ng Fun Run para sa mga Pamilya, interactive games, at sayawan ng pamilya, kasama ang iba pang programa, kabilang na ang pa-raffle na nagpasigla at nagpatibay sa ugnayan ng bawat dumalo. Pinatingkad din ng pamamahagi ng grocery items mula sa MSSD.
Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni Mayor Datu Armando Mastura, Al-hadj na higit pang palalawakin at pagbubutihin ang mga programang nakatuon sa kapakanan ng bawat pamilya sa Sultan Mastura.
Bilang patunay ng malasakit at pagkalinga, ayon sa alkalde, naghandog ang Lokal na Pamahalaan ng libreng ice cream, cotton candy, at arroz caldo para sa lahat ng dumalo, isang simpleng alay na naghatid saya at pagkakaisa.
Katuwang ng alkalde sa inisyatibong ito ang kanyang maybahay na si Bai Ronda Mastura, na patuloy na sumusuporta sa mga programang pangkomunidad, kasama sina Konsehal Swebb Mala at Konsehal Faisal Mustapha na aktibong nakiisa sa matagumpay na pagdiriwang.
Ang pagdiriwang ay nagsilbing paalala na ang matatag na pamilya ang tunay na sandigan ng mas mapayapa at masaganang Sultan Mastura.



Comments