“LIGTAS TIGDAS” Measles-Rubella Supplemental Immunization Activity o MRSIA, na ipatutupad sa buong BARMM.
- Jan 20
- 1 min read
iMINDSPH

Araw ng Lunes, nang isinasagawa ang kick-off ceremony ng “LIGTAS TIGDAS” Measles-Rubella Supplemental Immunization Activity o MRSIA sa Bangsamoro Government Center sa Rosary Heights VII, Cotabato City.
Pinangunahan ang kick-off ceremony nina BARMM Interim Chief Minister Abdulraof Macacua, Health Minister Kadil Sinolinding Jr., at mga kinatawan ng international partners kabilang ang World Health Organization at United Nations Children’s Fund. Dumalo rin ang mga lider panrelihiyon mula sa Bangsamoro Darul Iftah, na nagbigay-diin sa kahalagahan ng bakuna mula sa pananaw ng Islam.
Sa kanyang pahayag, iginiit ni Interim Chief Minister Macacua ang buong suporta ng pamahalaan sa kampanya, at binigyang-diin na ang kalusugan ng bata ay hindi maaaring isantabi o ipagpaliban.
Ayon kay Macacua, malinaw ang paninindigan ng Bangsamoro Government na walang batang dapat maiwan at walang komunidad ang dapat mawalan ng proteksyon laban sa mga sakit na maiiwasan sa pamamagitan ng bakuna.
Target ng MRSIA ang mga batang may edad 5 hanggang 59 na buwan, na babakunahan mula Enero 19 hanggang Pebrero 13, 2026. Libre ang bakuna at maaaring makuha sa mga Barangay Health Stations at Rural Health Units.
Bukod sa mga fixed vaccination sites, magsasagawa rin ang mga health workers ng house-to-house vaccination at magtatayo ng mobile clinics upang maabot ang mga batang nasa malalayong lugar.
Ayon kay MOH-BARMM Immunization Program Nurse Coordinator Ron Aray, katuwang ang UNICEF, WHO, at iba pang stakeholders, patuloy na paiigtingin ang kampanya upang makamit ang pinakamataas na antas ng proteksyon ng mga bata laban sa tigdas at rubella sa Bangsamoro.



Comments