Mag-asawa at 22-anyos na anak, nasawi matapos mabundol ng sasakyan ang likurang bahagi ng kanilang sinasakyang motorsiklo sa Sinsuat Avenue, Cotabato City
- Teddy Borja
- Aug 25
- 1 min read
iMINDSPH

Nasawi ang mag-asawa at dalawampu’t dalawang taong gulang nilang anak matapos mabundol ng sasakyan ang likurang bahagi ng kanilang sinasakyang motorsiklo sa Sinsuat Avenue, Cotabato City.
Naganap ang insidente sa Sinsuat Avenue, tapat ng Catholic Cemetery, Rosary Heights-1, Cotabato City madaling araw ng Sabado, Agosto 23, 2025.
Ang mag-asawa ay edad apatnapu’t tatlo at mahigit tatlumpong taong gulang, habang 22 anyos ang kanilang anak na babae.
Sa report ng awtoridad, minamaneho ng isang alyas “Sam” ang puting SUV na residente ng Brgy. Calsada, Sultan Kudarat, Maguindanao del Norte.
Sakay ng SUV ang tatlong pasahero edad, 22, 17, at 22-anyos.
Ayon sa imbestigasyon ng Cotabato City Police Office (CCPO) Traffic Enforcement Unit, parehong tinatahak ng dalawang sasakyan ang Sinsuat Avenue patungong southbound bandang 12:05 AM, araw ng Sabado.
Sinubukan umano ng driver ng SUV na mag-overtake at nabangga ang likurang bahagi ng motorsiklo.
Tumilapon ang motorsiklo at ang tatlong sakay na mga biktima sa concrete shouldering.
Isinugod pa ang mga ito sa ospital pero dineklarang dead on arrival ang mag-ama at binawian naman ng buhay habang ginagamot sa ospital ang ina.
Tumakas ang driver ng SUV ngunit nadakip ito sa isang hot pursuit operation ng mga traffic investigators sa Brgy. Calsada, Bulalo, Sultan Kudarat, Maguindanao del Norte bandang 3:00 AM.
Kasalukuyan siyang nasa kustodiya ng Police Station 1 matapos sumailalim sa pisikal at medikal na pagsusuri.
Ang parehong sasakyan ay dinala sa Traffic Enforcement Unit Office para sa kaukulang disposisyon habang nagpapatuloy ang masusing imbestigasyon sa kaso.



Comments