top of page

Mahigit 10 taon na hidwaan ng 3 pamilya mula sa hanay ng MILF sa Basilan, tinuldokan na sa tulong ng provincial government sa ilalim ng pamumuno ni Governor Mujiv Hataman

  • Jan 20
  • 2 min read

iMINDSPH



Pormal nang natuldukan ang mahigit isang dekadang alitan ng mga pamilya nina Kumander Tanad Yunus, Kumander Arasad Addala, at Gani Tiblani sa pamamagitan ng isang reconciliation agreement na isinagawa sa Lamitan City, Basilan.


Ang pag-aayos ay pinangunahan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Basilan sa ilalim ng pamumuno ni Governor Mujiv Hataman, katuwang ang 1101st Infantry Battalion ng Philippine Army, Basilan Provincial Police Office, at Council of Elders ng Basilan, bilang bahagi ng mas pinalalalim na adhikain para sa pangmatagalang kapayapaan sa lalawigan.


Isinagawa ang opisyal na reconciliation sa ritwal na tinawag na “Pägsulut Duk Pägduwä’ä PAGBANTA” sa Raayat Hall ng Basilan Provincial Capitol. Itinuturing ito bilang pinakamalaking pag-aayos ng alitang pampamilya sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon at nag-angat sa walong kabuuang bilang ng mga hidwaang matagumpay nang naresolba sa lalawigan.


Ayon kay Governor Hataman, ang tagumpay ng reconciliation ay patunay na posible ang kapayapaan kahit matapos ang mahabang panahon ng sakit at hidwaan. Aniya, sa pagkakaisa ng mga pwersang pangseguridad, mga nakatatanda, at komunidad, nagiging posible ang paghilom at ang sama-samang pag-unlad.


Binigyang-diin din ng gobernador na karapatan ng mga bata ang lumaki nang walang takot at ng mga pamilya ang mamuhay nang may pagkakaisa, sabay iginiit na hindi maaaring umunlad ang isang lalawigan kung nananatili ang alitan.


Batay sa mga report, nagsimula ang hidwaan noong 2009 at nakaapekto sa may 26 pamilya sa mga bayan ng Al-Barka, Mohammad Ajul, at Tuburan. Mahigit dalawampung buhay ang naiulat na nasawi matapos mauwi sa serye ng mararahas na insidente ang mga personal na hindi pagkakaunawaan at matagal na sama ng loob.


Ayon kay Basilan Provincial Police Director Cerazid Umabong,ipinapakita ng kasunduang ito na marami ang nagnanais ng kapayapaan at na ang tunay na tapang ay hindi na kailangang dumaan sa dahas.


Nagpaabot din ng suporta ang mga lokal na opisyal. Ayon kay Alih Sali, positibo ang epekto ng ganitong inisyatiba sa kapayapaan at pag-unlad ng ekonomiya, habang sinabi naman ni Durie Kallahal na hangad nilang tularan ang ganitong modelo ng pagkakasundo sa kanilang bayan.


Nasaksihan ang paglagda ng kasunduan ng mga kinatawan ng pamahalaan, sektor ng seguridad, relihiyon, at hudikatura, kabilang si Frederick Sales, commander ng 1101st Brigade, 1ID ng Philippine Army, at si Aboulkhair Tarason, Mufti ng Darul Ifta’ Basilan, kasama ang mga miyembro ng Sangguniang Panlalawigan, Council of Elders, Basilan Ulama Supreme Council, at mga kinatawan ng Prosecutors Office.


 
 
 

Comments

Rated 0 out of 5 stars.
No ratings yet

Add a rating

©2024 by iMINDS PHILIPPINES. All Rights Reserved

bottom of page