Mahigit 2,000 kahon ng hinihinalang smuggled cigarettes, nadiskubre sa isang bodega sa Brgy. Gumagadong; awtoridad, patuloy ang operasyon at imbentaryo
- Jan 6
- 1 min read
iMINDSPH

Mahigit dalawang libong kahon ng hinihinalang smuggled cigarettes ang nadiskubre at nahukay ng mga awtoridad sa bayan ng Parang, Maguindanao del Norte matapos ang isang intelligence-driven operation kaninang madaling-araw.
Isinagawa kaninang bandang alas-5 ng umaga, Enero 6, 2026, ang isang intelligence operation ng mga awtoridad sa Purok Lansones, Barangay Gumagadong, Parang, Maguindanao del Norte, kung saan nadiskubre ang isang bodega na naglalaman ng mga hinihinalang smuggled cigarettes.
Ayon sa pulisya, ang operasyon ay pinangunahan ng RDEU Special Operations Group ng PRO BARMM, katuwang ang RMFB 14A, Parang Municipal Police Station, Regional Forensic Unit BARMM, at ang Bureau of Customs–Davao District.
Sa gitna ng operasyon, natuklasan ng mga awtoridad ang bodega na may lamang mga kahon ng hinihinalang puslit na sigarilyo. Bukod dito, nagsagawa rin ng paghuhukay sa paligid ng warehouse, kung saan may ilan pang kahon ang narekober.
Ayon sa mga awtoridad, patuloy pa ang isinasagawang paghuhukay at imbentaryo, kaya’t wala pa sa ngayon ang eksaktong bilang ng mga narekober na sigarilyo at ang tinatayang halaga ng mga ito.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang mga nasa likod ng illegal na aktibidad at kung saan nagmula ang mga hinihinalang smuggled cigarettes. Samantala, nananatili sa kustodiya ng mga awtoridad ang mga nakumpiskang ebidensya para sa kaukulang dokumentasyon at kaso.



Comments