top of page

MAHIGIT 2 BILLION PESOS ‘QUESTIONABLE TRANSACTION’ SA MBHTE Iniimbestigahan ng Commission on Audit; Paglabas ng mga dokumento na may nakalagay na ‘Strictly Confidential – For Comments Purposes Only’,

  • 7 days ago
  • 2 min read

iMINDSPH



Iniulat sa mga pahayagan online na isang malalimang fraud audit ang isinasagawa ngayon ng Commission on Audit (COA) hinggil sa ₱2.2 bilyong halaga ng mga procurement ng Ministry of Basic, Higher and Technical Education (MBHTE-BARMM), kung saan kinuwestiyon ang mabilisang pagpapalabas ng hindi bababa sa 53 disbursement vouchers sa loob lamang ng dalawang araw.


Batay umano sa mga natuklasan ng COA, nailabas ang pondo para sa mga aklat na nagkakahalaga ng ₱1.77 bilyon at para sa mga learner at teacher kits na nagkakahalaga ng ₱449.23 milyon sa kabila ng kakulangan sa mga pangunahing dokumento.


Sa halip din daw na sumunod sa kumpletong procurement records, umasa lamang umano ang ahensya sa mga internal certification upang maaprubahan ang mga transaksyon.


Binigyang-diin din sa audit ang ₱1.95 bilyong halaga ng mga kontratang kinakitaan ng iba't ibang depekto at anomalya. Kabilang sa mga naitalang iregularidad ang mga kaduda-dudang kasunduan sa joint venture at ang hindi pagpataw ng mga kaukulang parusa o penalties sa mga supplier na hindi nakatugon sa obligasyon.


Ayon sa inilabas na pahayag ng MBHTE, kinwestiyon at naghayag ng pag-alala ang ministry sa anilay hindi awtorisadong pagkalat ng dokumentong may markang “Strictly Confidential – For Comments Purposes Only,” na bahagi umano ng nagpapatuloy na audit process ng Commission on Audit.


Ang naturang dokumento ayon sa pahayag ay paunang bersyon pa lamang umano at ginagamit para sa internal na pagsusuri, paglilinaw, at pagtiyak ng due process, ayon sa ministry.


Giit ng MBHTE, hindi nararapat ang paglabas nito sa publiko nang walang sapat na konteksto at bago matapos ang audit, dahil nilalabag umano nito ang mga patakaran sa pagiging kumpidensyal ng mga proseso ng pamahalaan.


Nanawagan din ang MBHTE sa COA na imbestigahan kung paano nailabas ang dokumentong malinaw na may markang “Strictly Confidential – For Comments Purposes Only”, at magsagawa ng mga hakbang upang mapanatili ang integridad ng audit process.

 
 
 

Comments

Rated 0 out of 5 stars.
No ratings yet

Add a rating

©2024 by iMINDS PHILIPPINES. All Rights Reserved

bottom of page