Mahigit 200 dating combatant ng Moro Islamic Liberation Front, sumailalim sa voters education na inorganisa ng BIAF
- Diane Hora
- Oct 10
- 1 min read
iMINDSPH

Sa pangunguna ni United Bangsamoro Justice Party President Al Haj Murad Ebrahim, isinailalim ang higit dalawang daang mga dating combatant ng Bangsamoro Islamic Armed Forces sa Regional Voters Education and Advocacy Program, araw ng Huwebes.
Layunin ng aktibidad na tiyakin ang sapat na kaalaman ng mga dating mandirigma hinggil sa darating na Parliamentary Elections ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao.
Sa kanyang talumpati, binigyang-diin ni UBJP President Murad Ebrahim ang kahalagahan ng pagiging mulat sa proseso ng eleksyon at alam ang tamang impormasyon kaugnay sa gaganaping eleksyon, partikular sa mga dating kasapi ng armadong pakikibaka.
Tinatayang umabot sa dalawang daan animnaput siyam na mga dating BIAF combatants ang dumalo sa nasabing pagtitipon.
Nagpahayag din ng suporta sina Member of Parliament Haron Abas at UBJP-MDS 3rd District Representative Anwar Alamada kung saan kanilang hinikayat ang mga dating mandirigma na ituring ang kanilang pakikilahok sa halalan bilang isang uri ng jihad para sa kapayapaan at katarungan.
Ang BARMM Parliamentary Elections ay ipinagpaliban sa Marso 2026 base sa kautusan ng Supreme Court.



Comments