Mahigit 31,000 Bangsamoro, natulungan ng programang B-CARES; programa, pinalalakas pa ng MSSD sa tulong ng Mercury Drug
- LERIO BOMPAT
- Jan 28
- 1 min read
iMINDSPH

Pinalakas ng Ministry of Social Services and Development – BARMM (MSSD) ang pagpapalaganap ng kaalaman ng publiko hinggil sa Bangsamoro Critical Assistance in Response to Emergency Situations (B-CARES) sa pamamagitan ng isang malawakang information drive, katuwang ang Mercury Drug.
Isinagawa ito, araw ng Martes, Enero 27, 2026.
Layunin ng inisyatiba na masigurong alam at naaabot ng bawat Bangsamoro ang mga serbisyong tulong-medikal na maaaring mapakinabangan sa oras ng emergency. Bilang bahagi ng kampanya, naglagay ang MSSD ng mga information materials sa piling mga sangay ng Mercury Drug sa iba’t ibang lugar sa rehiyon.
Pinangunahan ni B-CARES Program Focal Bai Fatty Accoy ang turnover ng mga materyales, katuwang ang mga branch manager ng Mercury Drug na sina Anne Zigra Ykutanen ng Sinsuat Branch, Kristofferson Cayena ng Magallanes Branch, at Sheila Marie Uy ng SK Pendatun–Almonte Branch.
Ang B-CARES ay isa sa mga flagship programs ng MSSD na nagbibigay ng agarang tulong para sa medical assistance, laboratory tests, hospital bills, at burial assistance, partikular para sa mga Bangsamorong nangangailangan sa gitna ng mga emerhensiya.
Batay sa datos noong 2025, umabot na sa 31,899 na kliyente ang matagumpay na natulungan ng B-CARES sa pamamagitan ng pakikipagtulungan sa Mercury Drug. Ayon sa MSSD, ang bilang na ito ay patunay ng epektibong ugnayan ng pamahalaan at pribadong sektor sa pagtugon sa mga pangangailangang pangkalusugan ng mamamayang Bangsamoro.
Ipinahayag ng MSSD na patuloy nitong palalawakin ang mga ganitong uri ng partnership upang mas mapalakas ang access sa serbisyong panlipunan at pangkalusugan, at matiyak na walang Bangsamoro ang maiiwan sa oras ng pangangailangan.



Comments