top of page

Mahigit ₱500K halaga ng ilegal na paputok, nasamsam ng awtoridad sa entrapment operation sa Zamboanga City

  • Dec 29, 2025
  • 2 min read

iMINDSPH



Nasamsam ng Police Regional Office 9 ang mahigit ₱500K na halaga ng ilegal na paputok sa isinagawang entrapment operation, kung saan arestado ang isang indibidwal.


Arestado ang isang 47-anyos na lalaki matapos masamsaman ng iba’t ibang uri ng ilegal at delikadong paputok sa isinagawang entrapment operation ng City Investigation and Detective Management Unit ng Zamboanga City Police Office, katuwang ang Police Station 11, Regional Civil Security Unit 9, at City Licensing Division, bandang alas-4:30 ng hapon noong December 24, 2025, sa Nuñez Extension, Barangay Camino Nuevo, Zamboanga City.


Nasamsam rin ang mga high-powered at ipinagbabawal na paputok gaya ng Northern Lights, Chariots of Fire, Dragon Fire, bomb shells, Piccolo, mga uri ng Sawa, at iba pang pyrotechnics o “boga.”


Isinailalim na sa kustodiya ng CIDMU sa ZCPO Headquarters ang mga nakumpiskang paputok para sa tamang dokumentasyon at disposisyon.


Samantala, bandang alas-9:00 ng gabi ng parehong araw, nagsagawa rin ng operasyon ang Zamboanga City Police Station 9 sa Barangay Ayala laban sa ilegal na pagbebenta ng paputok.

Nasamsam sa operasyon ang 40 piraso ng kwitis at limang kahon ng Great Bawang firecrackers na nagkakahalaga ng mahigit isang libong piso.


Nagpatuloy pa ang pinaigting na operasyon noong Araw ng Pasko, December 25, 2025, matapos makumpiska ng Zamboanga City Police Station 8 ang apat na improvised pyrotechnics o “boga” sa Barangay Calarian at Barangay Sinunuc.


Ayon kay Police Brigadier General Edwin Quilates, Regional Director ng PRO 9, hindi pahihintulutan ng pulisya ang mga ilegal at mapanganib na aktibidad na maaaring magdulot ng aksidente, lalo na ngayong panahon ng kapaskuhan.


Patuloy naman ang paalala ng PRO 9 sa publiko na sumunod sa mga umiiral na batas at ordinansa kaugnay ng paggamit at pagbebenta ng paputok upang masigurong ligtas at mapayapa ang pagdiriwang ng Pasko at Bagong Taon.

 
 
 

Comments

Rated 0 out of 5 stars.
No ratings yet

Add a rating

©2024 by iMINDS PHILIPPINES. All Rights Reserved

bottom of page