Mahigit 7 kilo ng hinihinalang marijuana, nasamsam sa mga parcel sa General Santos City
- Dec 29, 2025
- 1 min read
iMINDSPH

Pitong kilo ng hinihinalang marijuana ang nasamsam ng mga awtoridad matapos maharang ang mga parcel na dumaan sa isang courier service. Nasa kustodiya na ng pulisya ang suspek. Arestado ang isang lalaking kinilala sa alyas na “Ron” noong December 22, 2025, sa Digos–Makar Road, Barangay Lagao, General Santos City, dahil sa paglabag sa Section 11 ng Republic Act 9165.
Sa isinagawang custodial investigation, inamin ng suspek na may inaasahan siyang parcel na naglalaman ng hinihinalang marijuana.
Sa pakikipag-ugnayan ng Police Station 3 at Police Station 10 ng General Santos City Police Office, nagtungo ang mga operatiba sa J&T Express Warehouse sa Barangay Calumpang, kung saan narekober ang unang parcel na naglalaman ng humigit-kumulang dalawang kilo ng hinihinalang marijuana na nakabalot sa mga plastic packaging.
Sa karagdagang beripikasyon, natukoy ang isa pang parcel mula sa parehong sender na nakapangalan naman sa alyas na “Makoy.” Nang ito ay buksan, tumambad ang tinatayang limang kilo ng hinihinalang tuyong dahon ng marijuana. Agad itong isinailalim sa inventory, marking, at dokumentasyon bago dinala sa kustodiya ng pulisya.
Boluntaryong nakipagtulungan ang suspek sa awtoridad. Inihahanda na ang karagdagang kaso laban sa kanya sa ilalim ng Republic Act 9165.
Ayon kay Police Brigadier General Arnold Ardiente, Regional Director ng PRO 12, malaking tagumpay ito sa pagpigil sa paggamit ng courier services sa pagpapalaganap ng iligal na droga at patunay ng patuloy na paghihigpit ng pulisya laban sa drug supply chains sa rehiyon.
Patuloy naman ang panawagan ng pulisya sa publiko na maging mapagmatyag at agad i-report ang anumang kahina-hinalang aktibidad upang mapanatiling ligtas at drug-free ang SOCCSKSARGEN.



Comments