Mahigit-kumulang 400 mamamayan ng Basilan, nabigyan ng tulong sa unang “Usap Tayo, Gob!” ngayong 2026 sa Basilan People’s Capitol
- Diane Hora
- Jan 15
- 1 min read
iMINDSPH

Matagumpay na naisagawa ang kauna-unahang Usap Tayo, Gob! para sa 2026 sa Raayat Hall, Basilan People’s Capitol, na dinaluhan ng humigit-kumulang 400 mamamayan mula sa iba’t ibang lungsod at bayan ng lalawigan.
Dabilang sa mga dumalo ang senior citizens, persons with disability (PWDs), at mga estudyante. Pinakamarami ang nagmula sa Isabela City at Lamitan City, habang ang iba ay mula sa iba’t ibang bayan ng Basilan.
Batay sa datos, financial assistance ang pinakamaraming kahilingan, sinundan ng livelihood, medical, employment, educational, at legal assistance.
Ipinagbigay alam naman agad ang kahilingan ng mga ito sa kinauukulang tanggapan tulad ng PSWDO, IPHO, at iba pang concerned offices ng Pamahalaang Panlalawigan.
Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni Governor Mujiv S. Hataman ang kahalagahan ng Usap Tayo, Gob! bilang direktang ugnayan ng pamahalaan at mamamayan. Aniya, ang mga hinaing ng mamamayan ang nagsisilbing gabay sa pagbuo ng angkop na solusyon.
Sinabi rin ni Gov. Mujiv na isang beses kada buwan gaganapin ang Usap Tayo, Gob! sa People’s Capitol, habang ang iba pang schedule ay isasagawa sa mga barangay upang mas mailapit ang serbisyo sa mamamayan.
Samantala, ang mga estudyante ay inabisuhan na magkakaroon ng hiwalay na Usap Tayo, Gob! para sa sektor ng edukasyon upang mas tutok na matugunan ang kanilang mga pangangailangan.
Patuloy na pinagtitibay ng Usap Tayo, Gob! ang layunin ng Pamahalaang Panlalawigan ng Basilan na ilapit ang pamahalaan sa mamamayan at tiyaking walang maiiwan sa paghahatid ng serbisyong publiko.



Comments