top of page

Mga bise alkalde at bise gobernador ng BARMM, aktibong nakilahok sa talakayan hinggil sa legal procedures, disciplinary powers, at accountability mechanisms sa loob ng Sanggunian sa ginanap na onboard

  • Diane Hora
  • 2 hours ago
  • 2 min read

iMINDSPH



Sa isang bukas na talakayan matapos magbigay ng lecture si Atty. Marvin Mokamad, ang Director ng Interior Affairs Services ng Ministry of the Interior and Local Government sa ginanap na Onboarding Training para sa mga bagong bise alkalde at bise gobernador ng BARMM-



aktibong nakilahok ang mga opisyal sa diskusyon ukol sa legal procedures, disciplinary powers, at accountability mechanisms sa loob ng Sanggunian.



Layunin nitong linawin ang mga karaniwang hindi nauunawaan at bigyang-tugon ang mga mahahalagang usapin sa lokal na pamamahala.



Itinanong ni Vice Mayor Bai Kuleh Mangudadatu ng Mangudadatu, Maguindanao del Sur kung maaaring harangin ng alkalde ang isang rekomendasyong suspensyon na inisyu ng Sanggunian.


Nilinaw ni Atty. Mokamad na ayon sa batas, walang kapangyarihan ang alkalde na aprubahan o tanggihan ang naturang rekomendasyon.


Paliwanag nito, ang aksyon ng Sanggunian ay may sariling bisa at hindi nakasalalay sa desisyon ng mayor.


Tinanong naman ni Vice Mayor Datu Ibrahim Lauban Rahman kung legal ba na ipagpatuloy ng bagong Sanggunian ang mga imbestigasyong sinimulan ng nakaraang konseho bago ang halalan. Ayon kay Atty. Mokamad, pinapahintulutan ito sa ilalim ng Bangsamoro Local Governance Code. Binigyang-diin niya na kahit may argumento sa teknikalidad ng pagpapalit ng termino, mas mahalaga ang pagpapatuloy para sa pananagutan.


Nagtanong si Vice Mayor Datu Rahaf Diocolano ng Kabuntalan, Maguindanao del Norte kung may mga exempting circumstances ba sa kaso ng kapabayaan sa tungkulin. Tugon ni Atty. Mokamad, obligasyon ng lahat ng opisyal na tuparin ang kanilang tungkulin, ngunit may mga makatuwirang dahilan na maaaring isaalang-alang gaya ng malubhang karamdaman na suportado ng medikal na dokumento. Dapat suriin ng Sanggunian ang ebidensya bago magdesisyon.


Ipinunto rin ni Atty. Mokamad na ang hindi pagkilos ng Sanggunian sa isang kasong administratibo ay maituturing ding kapabayaan sa tungkulin. Kung pababayaan ng mga miyembro ang kanilang obligasyong umaksyon, maaari rin silang sampahan ng sariling kaso.


Isa pang mahalagang tanong ay kung maaari pa ring pagdesisyunan ng Sanggunian ang isang kaso kung ang akusado, na dating barangay captain, ay nahalal na bilang alkalde. Ayon kay Atty. Mokamad, ang hurisdiksyon ay nakabase sa posisyon noong naganap ang paglabag. Kaya’t kahit pa napromote na, maaari pa ring patawan ng parusa tulad ng anim na buwang suspensyon. Gayunman, ang pagpapatupad nito ay dapat idulog sa disciplinary authority na jurisdiction sa kasalukuyang posisyon ng opisyal.


Sa huling bahagi ng forum, ilang kalahok ang nagtanong kung sino ang responsable sa pagpapatupad ng mga parusa. Paliwanag ni Atty. Mokamad, recommendatory, ang papel ng Sanggunian.


Kapag mataas na opisyal tulad ng alkalde ang pinaparusahan, ang pagpapatupad ay nakasalalay sa Office of the President o ibang naaangkop na ahensya ng gobyerno.


Ang diskusyong ito ay nagbigay-linaw sa mga kritikal na aspeto ng lokal na pamamahala, partikular sa wastong paggamit ng kapangyarihan ng Sanggunian, kahalagahan ng due process, at pananagutan—mga pundasyon ng Moral Governance sa rehiyon ng Bangsamoro.

 
 
 

Comments

Rated 0 out of 5 stars.
No ratings yet

Add a rating

©2024 by iMINDS PHILIPPINES. All Rights Reserved

bottom of page