top of page

Mga ilegal na troso, nasabat sa joint operation sa Mahatallang, Sumisip, Basilan sa gitna ng pinalalakas na kampanya kontra illegal logging sa lalawigan

  • Jan 19
  • 2 min read

iMINDSPH



Muling pinatunayan ng multi-stakeholder participation at mahigpit na inter-agency collaboration ang pagiging epektibo ng kampanya ng Pamahalaang Panlalawigan laban sa illegal logging, matapos makumpiska ang mga ilegal na troso sa isang joint operation sa Sitio Sampinit, Barangay Mahatallang, Munisipyo ng Sumisip, alas-8 ng gabi noong Enero 17, 2026.


Pinangunahan ang operasyon ni Governor Mujiv Hataman katuwang ang 32nd Daredevil Battalion sa pamumuno ni Lt. Col. Gerwin Maghuyop, ang Sumisip Municipal Police Station (MPS) sa pangunguna ni PLT Jakaria Muin, ang Ministry of Environment, Natural Resources and Energy (MENRE), at ang lokal na pamahalaan ng Sumisip.


Ang nasabing operasyon ay bahagi ng pinaigting na pagpapatupad ng Executive Order No. 19 o Sagip Kalikasan, na nilagdaan ni Governor Hataman upang labanan ang illegal logging at iba pang environmental crimes sa lalawigan.


Ayon sa mga awtoridad, ang mga nakumpiskang troso ay kasalukuyang nasa pansamantalang kustodiya ng 32nd Daredevil Battalion habang isinasagawa ang kinakailangang dokumentasyon at mga legal na proseso para sa tamang disposisyon, alinsunod sa umiiral na batas.


Binigyang-diin ng Pamahalaang Panlalawigan na ang tagumpay ng operasyon ay malinaw na patunay ng maayos na koordinasyon sa pagitan ng lokal na pamahalaan, security sector, at environmental agencies sa pangangalaga ng likas-yaman ng Basilan. Anila, patuloy pang paiigtingin ang mga hakbang sa environmental protection bilang bahagi ng pagsusulong ng kapayapaan at sustainable development sa lalawigan.


Sa pahayag ni Gov. Hataman, iginiit ng gobernador na mahalagang mapigilan agad ang ilegal na pagputol ng mga puno dahil ang mamamayan ng Basilan ang direktang naaapektuhan ng patuloy na pagkakalbo ng kagubatan. Aniya, nagdudulot ito ng matinding soil erosion at nagpapataas ng panganib ng pagbaha—lalo na sa gitna ng lumalalang epekto ng climate change.


Dagdag pa ng gobernador, ang deforestation ay nagpapahina sa kakayahan ng kagubatan na sumipsip ng ulan, dahilan upang mas mabilis ang pag-apaw ng mga ilog at sapa tuwing may malalakas na pag-ulan. Sa panahon ng mas madalas at mas malalakas na bagyo, lalong nagiging bulnerable ang mga komunidad sa pagbaha, landslide, at pagkasira ng kabuhayan.


Dahil dito, iginiit ng Pamahalaang Panlalawigan na ang pangangalaga sa kagubatan ay hindi lamang usaping pangkalikasan, kundi isang kritikal na hakbang para sa kaligtasan at kinabukasan ng mga mamamayan ng Basilan.

 
 
 

Comments

Rated 0 out of 5 stars.
No ratings yet

Add a rating

©2024 by iMINDS PHILIPPINES. All Rights Reserved

bottom of page