top of page

Mga kasambahay at kanilang mga employer, nagsama-sama sa unang Public Consultation hinggil sa pagtukoy sa minimum wage para sa taong 2025 sa BARMM

  • Diane Hora
  • Aug 25
  • 2 min read

iMINDSPH


ree

Pinangunahan ng Bangsamoro Tripartite Wages and Productivity Board (BTWPB) sa ilalim ng Ministry of Labor and Employment (MOLE) ang public consultation na dinaluhan ng mga kinatawan mula sa Cotabato City, Maguindanao del Sur, Maguindanao del Norte, at Special Geographic Area (SGA).


Sa kanyang pambungad na mensahe, binigyang-pugay ni MOLE Minister at BTWPB Chairperson Muslimin “Bapa Mus” Sema ang mga kasambahay, na tinawag niyang mahahalagang haligi ng bawat tahanan at mahalagang katuwang sa pag-unlad ng rehiyon.


Nagpahayag din ng suporta ang mga sectoral representatives kabilang sina Datu Haron Bandila, Management Representative at Engr. Jonathan Acosta, Workers’ Representative, na parehong nanawagan sa aktibong partisipasyon ng mga dumalo upang matiyak na ang magiging wage adjustment ay makatarungan at tumutugon sa hamon ng tumataas na presyo ng bilihin.


Ibinahagi naman ni Edward Donald Eloja, Chief Statistical Specialist ng Philippine Statistics Authority (PSA), ang pinakabagong datos sa poverty at inflation rates sa BARMM at kung paano ito nakakaapekto sa mga desisyon ng pamahalaan at pribadong sektor.


Nagbigay rin ng input si Andan Calim, Trade Industry Development Specialist ng Ministry of Trade, Investments, and Tourism (MTIT), hinggil sa mga oportunidad sa trabaho na nalilikha sa pamamagitan ng business name registration (BNR) initiatives.


Samantala, ipinaliwanag ni Rohanisa Rashid, Chief Economic Development Specialist ng Bangsamoro Planning and Development Authority (BPDA), ang proseso ng wage fixing at nagbigay ng maikling presentasyon tungkol sa Batas Kasambahay (RA 10361 o Domestic Workers Act).


Sinundan ng mga presentasyon ng isang open forum na pinangunahan ni Board Secretary Bailyn Nanding, kung saan tinalakay ng mga kalahok ang balanse sa pagitan ng kapakanan ng mga manggagawa at kakayahan ng mga employer.


Ang kick-off consultation na ito para sa mga kasambahay ay bahagi ayon sa MOLE ng patuloy na pagsisikap ng BTWPB na isulong ang inclusive at participatory policymaking, alinsunod sa mas malawak na layunin ng MOLE na kilalanin at pahalagahan ang lahat ng uri ng paggawa sa Bangsamoro.

 
 
 

Comments

Rated 0 out of 5 stars.
No ratings yet

Add a rating

©2024 by iMINDS PHILIPPINES. All Rights Reserved

bottom of page