top of page

Mga local government unit na nanguna sa disaster preparedness at resilience, kinilala ng OCD BARMM

  • Diane Hora
  • Jan 28
  • 2 min read

iMINDSPH


Mga lokal na pamahalaan at iba’t ibang sektor na nanguna sa disaster preparedness at resilience, pinarangalan ng Office of Civil Defense–Bangsamoro Autonomous Region o OCD-BAR


Kinilala ng Office of Civil Defense–Bangsamoro Autonomous Region o OCD-BAR ang mga lokal na pamahalaan at iba’t ibang sektor na nanguna sa disaster preparedness at resilience sa ginanap na Regional Disaster Risk Reduction and Management Recognition Ceremony sa Cotabato City, araw Martes, January 27, 2026.


Pinuri naman ni Undersecretary Harold Cabreros ang mga lokal na pamahalaan at katuwang na ahensya sa kanilang ambag sa disaster preparedness, response, at resilience-building.


Ibinahagi ni Usec Cabreros ang mahahalagang batas gaya ng Ligtas Pinoy Centers Act at State of Imminent Disaster Act, gayundin ang panukalang Magna Carta para sa mga DRRM workers.


Ipinakilala rin ni Cabreros ang pitong-puntong “PREPARE” resilience agenda ng OCD na nakatuon sa koordinadong aksyon, multi-sectoral partnerships, at tuloy-tuloy na commitment sa DRRM sa BARMM.


Sentro ng programa ang pagkilala sa 54 na LGUs at 4 na stakeholders sa iba’t ibang kategorya. Kabilang dito ang Lungsod ng Cotabato bilang isa sa Top 3 LGUs sa Independent Component City Category sa national level.


Kinilala rin ang Lalawigan ng Basilan bilang Highest Ranking LDRRM Office sa Provincial Category sa regional level, gayundin ang Municipality of Upi, Maguindanao del Norte at Municipality of Ampatuan, Maguindanao del Sur bilang nangungunang LDRRM offices sa kani-kanilang municipal categories.


Kabilang rin sa nakatanggap ng pagkilala ang bayan ng Parang sa kategoryang Beyond Compliant at Sultan Mastura bilang Fully Compliant.


Sa special categories, ginawaran ang Sultan sa Barongis Emergency Response Team bilang isa sa Top 3 Response Teams sa national level, kasama ang Upi Emergency Response Team.


Pinarangalan din ang Lamitan Central Elementary School at Parangbasak National High School bilang Best Public Schools sa DRRM.


Kinilala rin ang Regional Validation and Selection Committee para sa kanilang papel sa pagtiyak ng integridad at mahigpit na pagsusuri sa buong proseso ng evaluasyon.


Sa kabuuan, binigyang-diin ng seremonya ang kahalagahan ng pagtutulungan, dedikasyon, at kulturang nakaugat sa lokal na konteksto sa pagpapalakas ng disaster resilience sa Bangsamoro—patunay na ang epektibong DRRM ay hindi lamang nakabatay sa polisiya at imprastraktura, kundi sa mga taong sama-samang naglilingkod para sa kaligtasan ng komunidad.

 
 
 

Comments

Rated 0 out of 5 stars.
No ratings yet

Add a rating

©2024 by iMINDS PHILIPPINES. All Rights Reserved

bottom of page