Mga nakumpiskang paputok at boga sa buong Rehiyon Dose, sinira ng PNP PRO 12
- Dec 29, 2025
- 1 min read
iMINDSPH

Sinira ng PNP PRO 12 ang mga nakumpiskang ilegal na paputok at improvised pyrotechnics o boga bilang bahagi ng pinaigting na kampanya para sa isang ligtas at maayos na pagdiriwang ng kapaskuhan.
Pinangunahan ni PNP PRO 12 Director, Police Brigadier General Arnold Ardiente, ang Ceremonial Destruction ng mga nakumpiskang ilegal na paputok at improvised pyrotechnic devices o boga sa buong SOCCSKSARGEN noong Disyembre 27, 2025.
Sabay-sabay na isinagawa ng lahat ng Provincial Police Offices at City Police Offices sa ilalim ng PRO 12 ang pagsira sa mga nasabat na paputok at ilegal na pyrotechnics upang masiguro ang maayos at ligtas na implementasyon ng mga safety measures sa buong rehiyon.
Layunin ng aktibidad na maiwasan ang mga aksidente at pinsalang dulot ng paputok ngayong holiday season, matiyak na hindi na muling magagamit o maipamamahagi ang mga mapanganib na bagay, at ipakita ang mahigpit na pagpapatupad ng PRO 12 sa mga umiiral na batas at lokal na ordinansa kaugnay ng paggamit at pagbebenta ng paputok.
Ayon sa pamunuan ng PRO 12, ang sabayang pagsira sa mga nakumpiskang paputok ay patunay ng kanilang matatag na paninindigan sa pangangalaga sa kaligtasan ng publiko at sa pagpapanatili ng kaayusan sa panahon ng kapaskuhan.
Patuloy naman ang paalala ng pulisya sa publiko na sumunod sa mga safety regulations at iwasan ang paggamit ng ilegal na paputok upang maging ligtas at masaya ang pagdiriwang ng Pasko at Bagong Taon.



Comments