top of page

Mga residente ng Basilan, pinagtibay ang panawagan para sa mas mabisang pamamahala at mas inklusibong halalan sa kasagsagan ng pagtalakay sa iminungkahing amyenda sa Bangsamoro Administrative Code

  • Jan 16
  • 2 min read

iMINDSPH


Sa public consultation na isinagawa, araw ng Huwebes, January 15, binigyang-diin ng mga dumalo sa public consultation ang parehong oportunidad at hamon sa panukalang paghahati ng tatlong pangunahing ministeryo ng Bangsamoro—isang hakbang na, ayon sa kanila, maaaring magbunga ng mas malinaw na mandato at mas tutok na serbisyo kung maipatutupad nang maingat at maayos.


Katulad ng mga naunang sabayang konsultasyon sa Cotabato City at sa Special Geographic Area, tinalakay rin sa Basilan ang anim na panukalang batas na pinangunahan ni Deputy Speaker Laisa Alamia.


Kabilang sa sentrong usapin ang panukalang paghahati ng Ministry of Agriculture, Fisheries and Agrarian Reform (MAFAR), Ministry of Environment, Natural Resources and Energy (MENRE), at Ministry of Basic, Higher and Technical Education (MBHTE).


Ayon sa mga stakeholder, makatutulong ang restructuring upang mas mapalakas ang pagtutok sa agrikultura at pangingisda—mga sektor na itinuturing na gulugod ng ekonomiya ng Basilan.


Sinabi ni Datu Fadh Jaljalalis, Provincial Agriculturist ng MAFAR-Basilan, na ang paghahati ng mga ministeryo ay maaaring magbigay-daan sa mas espesyalisadong programa at mas epektibong pagtugon sa pangangailangan ng mga magsasaka at mangingisda.


Gayunman, may ilang sektor ang nagmungkahi na palakasin na lamang ang administrative at finance units ng mga ministeryo upang mapabuti ang serbisyo nang hindi kinakailangang hatiin ang buong istruktura.


Samantala, ipinaliwanag ni Deputy Speaker Baintan Ampatuan, pangunahing may-akda ng mga panukalang batas, na ang mga reporma ay nakaangkla sa National Government Rightsizing Program na unang inilatag ni Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang State of the Nation Address noong 2022 at naisabatas noong 2025 sa pamamagitan ng Republic Act No. 12231.


Layunin umano ng batas na pataasin ang kahusayan ng pamahalaan habang pinangangalagaan ang kapakanan ng mga kawani nito.


Bukod sa administrative reforms, tinalakay rin ang mga amyenda sa Bangsamoro Electoral Code. Inihayag na pitong political parties na ang inaprubahan ng Commission on Elections para sa nalalapit na parliamentary elections.


Iminungkahi ng mga stakeholder na ibaba ang kinakailangang bilang ng miyembro ng isang political party mula 10,000 tungo sa 5,000 rehistradong botante, upang mabigyan ng mas malaking espasyo ang maliliit at lokal na partido.


Ayon sa kanila, ang isang mas bukas at inklusibong electoral system ay magpapalakas sa representasyon ng mga komunidad at magbibigay ng mas makabuluhang boses sa mamamayan ng Basilan.

 
 
 

Comments

Rated 0 out of 5 stars.
No ratings yet

Add a rating

©2024 by iMINDS PHILIPPINES. All Rights Reserved

bottom of page