top of page

MILF, naghayag ng pagkabahal sa bagong BARMM Districting Law na inaprubahan ng BTA, bagama’t naghayag ng suporta para sa 2026 BARMM elections

  • Diane Hora
  • Jan 19
  • 2 min read

iMINDSPH


Nagpahayag ng patuloy na suporta ang Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa pagsasagawa ng kauna-unahang parliamentary elections sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) sa 2026, kasabay ng panawagan na tiyaking makatarungan at alinsunod sa batas ang mga panuntunang maggagabay sa halalan.


Gayunman, inilahad ng MILF ang kanilang pagkabahala sa pagpasa ng Bangsamoro Transition Authority Parliament sa Parliament Bill No. 415 o ang districting law na nagtatakda ng apportionment ng parliamentary district seats sa BARMM. Ayon sa grupo, nabigo ang panukala na isalamin ang panawagan ng mamamayang Bangsamoro para sa patas at makatarungang representasyon.


Binanggit ng MILF na ang naturang batas ay nagbubukas ng seryosong usaping konstitusyonal, na kahalintulad umano ng mga depektong naging dahilan upang ideklarang unconstitutional ng Supreme Court of the Philippines ang naunang Bangsamoro Autonomy Act No. 77. Kabilang sa mga isyung tinukoy ang posibleng paglabag sa mga pamantayang itinatakda ng Bangsamoro Organic Law, gaya ng contiguity, compactness, adjacency, at makatarungang distribusyon ng populasyon sa pagbuo ng mga distrito.


Higit pa rito, iginiit ng MILF na hindi iginagalang ng bagong batas ang umiiral na mga hangganan, pati na ang makasaysayan at pinagsasaluhang pinagmulan ng kultura ng mga komunidad—mga puntong paulit-ulit na binigyang-diin sa mga isinagawang public consultations.


Dahil dito, nanawagan ang MILF sa publiko na makilahok sa mga dayalogo at manatiling mapagbantay, iginiit na ang transisyon ng BARMM tungo sa ganap na awtonomiya ay nangangailangan ng mga batas na lampas sa anumang duda, at inuuna ang rule of law kaysa sa pagiging madalian.


Sa opisyal na pahayag ng grupo, sinabi ni MILF Chairman Al Haj Murad Ebrahim na nawa’y

manaig ang awtonomiya na matagal na ipinaglaban ng MILF kasama ang Bangsamoro people para aniya sa minamahal na Homeland”.


Nagpasalamat din ito sa mga kasapi ng BTA Parliament na umano’y nanindigan sa posisyon at prinsipyong ipinaglalaban ng kilusan.

 
 
 

Comments

Rated 0 out of 5 stars.
No ratings yet

Add a rating

©2024 by iMINDS PHILIPPINES. All Rights Reserved

bottom of page