MOH-BARMM, naglunsad ng 30-day Ramadhan Meal Plan para sa mas malusog at makabuluhang pag-aayuno
- 2 hours ago
- 2 min read
iMINDSPH

Bilang paghahanda sa nalalapit na Ramadhan 2026, inilunsad ng Ministry of Health – BARMM ang isang komprehensibong 30-Day Ramadhan Meal Plan na magsisilbing gabay sa tamang nutrisyon at pangangalaga sa kalusugan sa buong banal na buwan.
Inihayag ang inisyatiba sa ginanap na “Science and Spirit of Fasting Symposium” noong Pebrero 11 sa Minister’s Hall ng MOH Compound, sa pangunguna ng Health Promotion Unit (HPU) katuwang ang Nutrition Division.
Layunin ng 30-Day Meal Plan na tulungan ang mga nag-aayuno na makapili ng masusustansyang pagkain para sa Suhur at Iftar, upang mapanatili ang sapat na enerhiya at lakas sa pagsasagawa ng mga gawaing espiritwal sa buong araw ng pag-aayuno.
Ayon sa MOH-BARMM, hindi lamang ito simpleng listahan ng pagkain, kundi isang maingat na planong isinasaalang-alang ang balanseng nutrisyon, hydration, at kaligtasan ng kalusugan habang nag-aayuno.
Nagbahagi ng pananaw si Bangsamoro Darul Ifta scholar Sheik Sadawi Sabang Cana, na naglatag ng paksang “The Spiritual Lens: Fasting as a Pillar of Wellness.”
Binigyang-diin niya na ang pag-aayuno ay hindi lamang pagtalikod sa pagkain at inumin, kundi isang landas tungo sa pagkamit ng Taqwa o mas malalim na kamalayan at pagsunod sa Allah (SWT).
Aniya, sa pagdanas ng gutom, mas nauunawaan ng bawat isa ang kalagayan ng mga nangangailangan—isang paalala na dapat manaig ang malasakit, kawanggawa, at kabutihan sa lipunan.
Samantala, tinalakay naman ni Deputy Minister Dr. Zul Qarneyn Abas ang “The Medical Lens: Fasting as a Benefit and Safety.” Ibinahagi niya ang mga positibong epekto ng maayos na pag-aayuno sa katawan, kabilang ang metabolic regulation at disiplina sa pagkain, kasabay ng mahahalagang paalala upang maiwasan ang dehydration at iba pang health risks.
Iginiit ng MOH-BARMM na mahalagang isaalang-alang ang tamang pagkain at sapat na pahinga upang maging ligtas at makabuluhan ang pag-aayuno, lalo na para sa mga may iniindang karamdaman.
Ang buong 30-Day Ramadhan Meal Plan ay maaaring i-download online sa pamamagitan ng link na inilabas ng MOH-BARMM upang maging accessible sa mas maraming Bangsamoro.



Comments