MOLE-OWWB, nagtulungan sa repatriation ng isang Bangsamoro Overseas Worker na biktima ng pang-aabuso ng employee sa Saudi Arabia
- Diane Hora
- Oct 29
- 1 min read
iMINDSPH

Matagumpay na naisagawa ng Ministry of Labor and Employment sa pamamagitan ng Overseas Workers Welfare Bureau ang repatriation procedure sa isang Bangsamoro overseas worker mula sa Riyadh, Saudi Arabia na biktima ng pang-aabuso at pagmamaltrato ng kanyang employer.
Kinilala ang biktima na si Hasmina Jarudin, 36 taong gulang, isang household service worker na nakaranas ng pisikal at emosyonal na pang-aabuso mula sa kanyang amo sa Riyadh.
Ayon kay Jarudin, nasunog ang kanyang mga kamay matapos ang aksidente sa oven habang ginagampanan ang kanyang tungkulin.
Sa kabila ng kalagayan, pinilit umano siya ng kanyang employer na magpatuloy sa trabaho at nang tumanggi siya dahil sa takot at sakit, ikinulong siya sa isang silid, kinuha ang kanyang mga gamit, at ininsulto sa harap ng iba — maging sa paraan ng pagpapakain sa kanya na itinuring na labis na nakakababa ng dignidad.
Sa pamamagitan ng malinaw na koordinasyon sa pagitan ng Overseas Workers Welfare Administration at Department of Migrant Workers at sa tulong ni OWWA Deputy Administrator Ryan Uy, ligtas na naibalik si Jarudin sa Pilipinas noong October 17.
Personal siyang sinalubong ni OWWB Director Annuarudin Tayuan sa airport at tiniyak ang kanyang maayos na turnover sa mga kaukulang ahensya upang agad siyang mabigyan ng tulong at suporta.
Magbibigay ang MOLE ng financial assistance kay Jarudin sa ilalim ng Reintegration Program, matapos ang pagsusuri ng kanyang kwalipikasyon, upang makatulong sa kanyang recovery at muling pagbabalik sa komunidad.
Nagpahayag din ng pasasalamat ang MOLE sa OWWA at DMW sa kanilang mabilis na aksyon at patuloy na pakikipagtulungan sa pangangalaga at pagtataguyod ng karapatan at kapakanan ng mga Bangsamoro overseas workers.



Comments