top of page

MP NAGUIB SINARIMBO : Tagumpay para sa demokrasya ng Bangsamoro ang pag apruba sa Parliament Bill No. 415

  • Jan 13
  • 1 min read

iMINDSPH



Bilang Chair ng Committee on Local Government, ang komiteng naatasang magsuri at mag-aral ng anim na panukalang districting bills kasama ang Committee on Rules, ipresinta ni BTA Deputy Floor Leader Naguib Sinarimbo ang Committee Report No. 196 sa plenaryo, araw ng Lunes.


Sinundan ito ng masinsinan at halos 10 oras na deliberasyon, kung saan tinalakay ang mga probisyon ng panukalang batas, tinugunan ang mga legal at konstitusyonal na isyung itinuro ng Supreme Court, at pinalinaw ang mga usaping mahalaga sa pang-unawa ng publiko.


Ayon sa mga mambabatas, ang mahabang interpelasyon at debate ay nagsilbing bukas na plataporma para sa malinaw na pagpapaliwanag ng nilalaman ng batas at sa paghubog ng isang balangkas na tumutugon sa mga pamantayang konstitusyonal at sa itinakdang iskedyul ng halalan.


Pinuri rin ang mga Miyembro ng Bangsamoro Parliament na, sa kabila ng pagkakaiba-iba ng partido at pananaw, ay tumindig at bumoto para sa iisang layunin. Anila, ito ang anyo ng demokrasya na nararapat sa Bangsamoro—may bukas na talakayan, may respeto sa pagkakaiba ng opinyon, at may pagkakaisa para sa ikabubuti ng mamamayang Bangsamoro.


Dagdag pa rito, ibinahagi na ang PB No. 415 ang ikalawang panukalang batas na prinsipal na inakda ni MP Sinarimbo na naaprubahan ng Parlamento sa loob lamang ng apat na buwan—patunay ng buhay at matatag na kooperasyon ng mga Bangsamorong mambabatas sa pagsusulong ng mga batas na may malinaw na benepisyo sa rehiyon.


Sa pagpasa ng Districting Law, maaari nang ipagpatuloy ng Bangsamoro Parliament ang mga nalalabing paghahanda para sa halalang parlamentaryo sa Marso 2026, isang mahalagang yugto sa demokratikong transisyon at institusyonal na pagpapatatag ng Bangsamoro.

 
 
 

Comments

Rated 0 out of 5 stars.
No ratings yet

Add a rating

©2024 by iMINDS PHILIPPINES. All Rights Reserved

bottom of page