NAGPASALAMAT SI SEC GALVEZ kay PBBM sa paglagda nito sa batas na nagtatakda ng kauna-unahang parliamentary elections sa BARMM sa buwan ng Setyembre ngayong taon
- 1 day ago
- 2 min read
iMINDSPH

Nagpasalamat si Peace Adviser Carlito Galvez Jr. kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa paglagda nito sa Republic Act No. 12317 na opisyal na nagre-reset ng unang parliamentary elections sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) sa Setyembre 14, 2026.
Pinuri ng kalihim ang kanyang matatag na liderato at patuloy na commitment sa pangangalaga ng integridad ng Bangsamoro peace process. Aniya, paulit-ulit na pinagtibay ng Pangulo ang kahalagahan ng peace process bilang pangunahing bahagi ng kanyang peace policy agenda.
Pinuri rin ng OPAPRU ang dalawang kapulungan ng Kongreso, sa pangunguna nina Senate President Vicente Sotto III at House Speaker Faustino Dy, kasama si Majority Floor Leader Cong. Sandro Marcos, sa mabilis na pagpasa ng batas sa gitna ng kritikal na yugto ng transisyon sa BARMM.
Nagpasalamat din ang ahensya sa pamahalaang Bangsamoro sa pangunguna ni Interim Chief Minister Abdulraof Macacua at sa mga miyembro ng Parliament na pinamumunuan ni Speaker Mohammad Yacob, sa patuloy na paghahatid ng serbisyo sa kabila ng mga hamon.
Ayon kay Galvez, ang pag-reset ng halalan ay hindi lamang pagbabago ng iskedyul kundi isang mahalagang hakbang upang matiyak na magiging mapayapa, maayos, at kapani-paniwala ang unang parliamentary elections sa rehiyon.
Binigyang-diin din na ang halalan ay isang makasaysayang yugto sa implementasyon ng Comprehensive Agreement on the Bangsamoro (CAB), na sumisimbolo sa pagbabago ng rehiyon mula sa lugar ng armadong tunggalian tungo sa kapayapaan at kaunlaran.
Sinabi rin ng OPAPRU na ang batas ay magpapalakas sa pundasyon ng demokratiko, accountable, at people-centered na pamamahala sa Bangsamoro, at magpapatibay sa kolektibong layunin para sa pangmatagalang kapayapaan.
Nanawagan ang ahensya sa lahat ng peace partners at stakeholders na magtulungan sa diwa ng pagkakaisa at sama-samang responsibilidad habang papalapit ang halalan.
Tiniyak naman ng OPAPRU ang patuloy nitong suporta sa mga hakbang para sa matagumpay na BARMM elections at sa pagsusulong ng kapayapaan, pagkakasundo, at kaunlaran sa rehiyon.



Comments