Negosyante, arestado sa isinagawang anti-smuggling operation; ₱73K halaga ng smuggled cigarettes, nakumpiska
- Teddy Borja
- Feb 4
- 1 min read
iMINDSPH

Timbog ang isang negosyante matapos makumpiskahan ng mahigit ₱73,000 halaga ng smuggled cigarettes sa isinagawang anti-smuggling operation sa bayan ng Surallah.
Kinilala ang naarestong suspek sa alyas na “Divino”, 48-anyos, may asawa, isang negosyante at residente ng Barangay Centrala, Surallah.
Sa operasyon, nahuli umano ang suspek habang aktong nagdi-display at nagbebenta ng mga smuggled cigarettes sa loob ng kanyang tindahan.
Nakumpiska mula sa suspek ang 37 reams ng Cannon Menthol, 18 reams ng Fort, 9 reams ng New Berlin, 7 reams ng King, 5 reams ng Established, at 10 reams ng San Marino cigarettes, na may kabuuang tinatayang market value na ₱73,588.48.
Ang suspek at ang mga nakumpiskang sigarilyo ay dinala sa Surallah MPS para sa wastong dokumentasyon at pansamantalang kustodiya, bago tuluyang i-turn over sa Bureau of Customs–General Santos City para sa kaukulang disposisyon.
Kasalukuyang inihahanda ang kaukulang kaso laban sa suspek kaugnay ng paglabag sa umiiral na batas laban sa smuggling.



Comments