OPAPRU Sec Carlito Galvez Jr, pinuri ang BTA sa pagpasa ng bagong districting law; tiwala sa mapayapa at credible na BARMM elections
- Jan 14
- 2 min read
iMINDSPH

Ayon kay Secretary Carlito Galvez Jr, ang pagpasa ng Parliament Bill No. 415 sa isang special session, araw ng Lunes, Enero 12 ay malinaw na pagpapakita na pinakinggan aniya ng Bangsamoro Parliament ang panawagan ng mamamayang Bangsamoro na maisagawa na ang halalan.
Dagdag pa opisyal, ito rin ay patunay umano ng determinasyon ng BTA na magtatag ng isang fully functioning, representative, at democratic government, alinsunod sa Comprehensive Agreement on the Bangsamoro (CAB).
Sinabi rin ng peace adviser na ang hakbang na ito ay kaayon ng peace and reconciliation agenda ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr, gayundin ng pangako ng national government na tuparin ang lahat ng commitments nito sa ilalim ng mga peace agreements sa Bangsamoro.
Binigyang-diin ni Galvez na kung walang malinaw at aprubadong districting framework, hindi makakapagpatuloy ang Commission on Elections sa paghahanda para sa halalan, alinsunod sa Bangsamoro Organic Law at sa direktiba ng Supreme Court.
Nagpaabot din ng pasasalamat ang kalihim kay BARMM Interim Chief Minister Abdulraof Macacua sa pagbigay ng urgent certification sa panukala, gayundin kay BTA Speaker Mohammad Yacob sa mahalagang papel nito sa paggabay sa Parlamento hanggang sa tuluyang pagpasa ng batas.
Ayon pa kay Galvez, malinaw sa mga naging hakbang ng BTA ang matibay nitong paninindigan na tuparin ang commitments sa political track ng CAB at gampanan ang responsibilidad ng interim government sa mahigit 4.5 milyong mamamayan ng BARMM.
Dagdag pa ng opisyal, ipinapakita ng development na ito ang political maturity ng pamahalaang Bangsamoro at ang determinasyon nitong maghatid ng long-lasting peace, sustainable development, at mas matatag na political stability.
Muling iginiit ng peace adviser na ang nalalapit na BARMM elections ay hindi lamang isang political exercise, kundi isang foundation ng peace, legitimacy, at people’s participation sa rehiyon.



Comments