top of page

P200M Ilegal na Sigarilyo, Manufacturing Equipment at Raw Materials natuklasan ng awtoridad sa isinagawang inter-agency operation sa Cavite

  • Feb 23
  • 1 min read

iMINDSPH



Tinatayang aabot sa ₱200 milyong halaga ng mga iligal na sigarilyo, manufacturing equipment at raw materials, ang nadiskubre sa isinagawang inter-agency operation ng Bureau of Customs at iba pang ahensya ng pamahalaan.


Pinangunahan ng Bureau of Customs (BOC) Intelligence Group sa pamamagitan ng Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS) ang operasyon, katuwang ang Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine National Police (PNP), Department of the Interior and Local Government (DILG), Bureau of Fire Protection-Tanza, at ang lokal na pamahalaan ng Tanza.


Ayon sa paunang impormasyon, dati umanong imbakan ng de-latang produkto ang naturang warehouse.


Gayunman, nakatanggap ng ulat mula sa concerned citizen hinggil sa matapang na amoy ng tabako na hindi tugma sa deklaradong gamit ng pasilidad.


Dahil dito, nagsagawa ng surveillance at validation ang mga awtoridad bago tuluyang magpatupad ng operasyon alinsunod sa Letter of Authority No. 02-18-023-2026 at Mission Order No. 02-18-028-2026.


Sa isinagawang inspeksyon, nadiskubre ang labing-isang hinihinalang cigarette manufacturing machines, dalawang generator set, isang forklift, at sampung brands ng mga sigarilyo.


Nakumpiska rin ang mga peke at irregular na tax stamps na indikasyon ng malawakang iligal na produksyon at distribusyon ng sigarilyo upang makaiwas sa pagbabayad ng tamang buwis at taripa.


Sa kasalukuyan, isinasailalim sa pinal na inventory at assessment ng BOC ang lahat ng nakumpiskang ebidensya na may paunang halagang tinatayang nasa ₱200 milyon.


Inihahanda na ang pagsasampa ng kaukulang kaso laban sa mga responsable sa paglabag sa Republic Act No. 10863 o Customs Modernization and Tariff Act at Republic Act No. 12022 o Anti-Agricultural Economic Sabotage Act, bilang bahagi ng pinaigting na kampanya ng pamahalaan laban sa smuggling at economic sabotage.


 
 
 

Comments

Rated 0 out of 5 stars.
No ratings yet

Add a rating

©2024 by iMINDS PHILIPPINES. All Rights Reserved

bottom of page