Pagpapalabas ng 3.39 billion pesos na pondo sa pamamahagi ng Based Bonus ng 225,545 kwalipikadong opisyal at kawani ng PNP, aprubado na ng DBM
- Diane Hora
- Oct 16
- 1 min read
iMINDSPH

Inaprubahan ng Department of Budget and Management (DBM) ang pagpapalabas ng ₱3.39 bilyon para sa pamamahagi ng Performance-Based Bonus ng 225,545 kwalipikadong opisyal at kawani ng Philippine National Police, sa ibinahaging report ng Radyo Pilipinas.
Ang paglalabas ng PBB para sa PNP ay bahagi ng utos ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na palakasin ang morale at kapakanan ng mga manggagawa ng gobyerno, lalo na ang mga tagapagpatupad ng batas ayon pa sa report.
Layunin din nitong ipakita ang pangkalahatang hangarin ng administrasyon na magkaroon ng propesyonal, masigla, at suportadong burukrasya na nagseserbisyo nang may integridad at kahusayan.
Sa ilalim ng aprubadong pondo, ayon sa report, bawat kwalipikadong opisyal at kawani ng PNP ay makatatanggap ng Performance-Based Bonus na katumbas ng 45.5% ng kanilang buwanang basic salary batay sa kanilang sahod noong Disyembre 31, 2023.
Ang mga nasa First, Second, at Third Levels ay kinakailangang may rating na hindi bababa sa “Very Satisfactory” sa ilalim ng Strategic Performance Management System ng Civil Service Commission o katumbas na rating na aprubado ng Career Executive Service Board.
Ang pondo ay kukunin mula sa Miscellaneous Personnel Benefits Fund (MPBF) sa ilalim ng Republic Act No. 12116 o Fiscal Year 2025 General Appropriations Act (GAA).
Ayon sa report, ang pagbabayad ng FY 2023 PBB ay batay sa Final Eligibility Assessment Report ng Administrative Order No. 25 Inter-Agency Task Force (AO25 IATF) na inilabas noong Setyembre 16, 2024, na nagpapatunay sa pagiging kwalipikado ng PNP para sa bonus.



Comments