Pagpaslang kay Ustadz Bahang sa Lamitan, Basilan, mariin na kinondena ni Governor Mujiv Hataman
- Teddy Borja
- Oct 24
- 1 min read
iMINDSPH

Mariin na kinokondena ni Basilan Governor Mujiv Hataman ang pagpaslang kay Ustadz Nadzrie Tarahin o mas kilala bilang Ustadz Bahang, isang miyembro ng Moro Islamic Liberation Front at kasalukuyang Barangay Councilor ng Baguindan, Tipo-Tipo.
Ayon sa pahayag ng gobernador, mula sa karahasan, pinili umano ni Ustadz Bahang na magbalik-loob at yakapin ang kapayapaan—isang hakbang na aniya ay nagbigay inspirasyon sa marami na maniwalang kayang magbago ang sinuman kapag pinili ang tamang landas.
Dagdag ng opisyal, napakalungkot at nakakagalit aniya ang pangyayari—isang tahasang pag-atake hindi lamang umano sa buhay ng biktima, kundi sa mismong diwa ng kapayapaan na aniya ay pinaghirapan sa Basilan.
Nanawagan ang gobernador nang malalimang imbestigasyon para sa pagkamit ng hustisya para sa biktima.
Makikipagtulungan ayon sa gobernador ang Pamahalaang Panlalawigan sa mga awtoridad upang mapabilis ang imbestigasyon.
Sinabi nito na ang nangyaring pagpaslang kay Ustadz Bahang ay hindi aniya dapat magdulot ng takot o pangamba sa mga nagbalik-loob sa pamahalaan, ito aniya ay magsilbing paalala na ang kapayapaan ang tanging landas tungo sa tunay na pagbabago at pag-unlad.
Nanawagan din ito sa mga Basileño na huwag papatalo sa takot o galit.
Huwag aniyang hayaang sirain ng karahasang ang pagkakaisa.
Pinaslang ang biktima, araw ng Martes, October 21, 2025 sa Biel Bus Terminal, Barangay Malinis, Lamitan City.
Naghayag din ng pagkondena ang 101st Infantry Brigade at iba pang unit ng militar sa pagpaslang sa biktima.



Comments