top of page

Pagsisilbi ng search warrant, nauwi sa engkwentro; anim na suspek, kabilang ang isang high-value individual, arestado

  • Dec 31, 2025
  • 1 min read

iMINDSPH



Anim na suspek ang arestado matapos ang pagsisilbi ng search warrant laban sa isang high-value individual sa Bunawan, na nauwi sa armadong engkwentro.


Kinilala ang suspek sa alias na “Rey-Rey”, isang high-value individual.


Nauwi sa engkwentro ang pagsisilbi ng search warrant kaugnay ng paglabag sa RA 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act, sa pagitan ng mga pulis at ng suspek, gayundin ng iba pang kasamahan nito.


Isang pulis ang sugatan matapos tamaan ng bala sa kaliwang binti.


Tinangka rin umano ng suspek na maghagis ng isang PRB-423 fragmentation grenade sa mga operatiba, subalit hindi ito sumabog.


Dalawang suspek ang agad na naaresto sa lugar, habang apat pa ang tumakas ngunit kalauna’y nadakip ng SWAT perimeter team.


Nasamsam mula sa mga suspek ang iba’t ibang uri ng iligal na baril, kabilang ang caliber .22 firearm, 12-gauge shotgun, 9mm UZI, .357 revolver, .45 caliber pistol, at mga bahagi ng PRB-423 grenade.


Pinangunahan ang operasyon ng Davao City Police Office sa pamumuno ni Acting City Director PCOL Mannan Muarip, katuwang ang Bunawan Police Station, Special Action Companies, at SWAT DCPO, sa Purok 3, Salooban, Bunawan, Davao City.


Bilang pag-iingat, pansamantalang inilikas ang mga residente sa loob ng 200-meter radius habang nagsagawa ng blast-in-place operation ang Explosive Ordnance Disposal Team.


Inihahanda na ang mga kasong Violation of RA 10591, Frustrated Murder, at Attempted Murder laban sa mga suspek na isasampa sa City Prosecutor’s Office sa Davao City.


Ayon kay PCOL Muarip, patunay ang matagumpay na operasyon ng matatag na kampanya ng kapulisan laban sa iligal na armas at kriminalidad upang matiyak ang kaligtasan ng komunidad.


 
 
 

Comments

Rated 0 out of 5 stars.
No ratings yet

Add a rating

©2024 by iMINDS PHILIPPINES. All Rights Reserved

bottom of page