top of page

Pagtanggal sa “None of the Above” o NOTA option sa balota para sa BARMM Parliamentary elections, aprubado na sa lebel ng Committee on Amendments, Revision, and Codification of Laws (CARCL)

  • Jan 19
  • 2 min read

iMINDSPH


Nagharap ngayong araw ng Lunes ang Committee on Amendments, Revision, and Codification of Laws (CARCL) ng BTA Parliament kung saan, inaprubahan ng komite ang ang pag-alis ng “None of the Above” o NOTA option sa mga balota para sa kauna-unahang parliamentary elections ng BARMM.


Ayon sa mga mambabatas, layon ng BTA Bill No. 396 na pasimplehin ang proseso ng pagboto at maiwasan ang kalituhan ng mga botante. Ang pag-apruba ay bunsod ng serye ng consultations at isang roundtable discussion kasama ang mga concerned stakeholders.


Sa ilalim ng committee-approved measure, ang Commission on Elections, sa pamamagitan ng Bangsamoro Electoral Office, ay aatasang irebisa ang official ballots upang tuluyang alisin ang NOTA option. Sa halip, pangalan ng mga kandidato at political parties na lamang ang makikita sa balota, at obligado ang bawat partido na ipakita ang kanilang official logo.


Nilinaw ng komite na ang panukala ay dadaan pa sa plenary debates kapag naisumite na ang opisyal na committee report.


Kasabay nito, sinimulan na rin ng CARCL ang deliberasyon sa BTA Bill No. 419, na naglalayong amyendahan ang Bangsamoro Electoral Code.


Kabilang sa mga pangunahing panukala ang pagbaba ng minimum membership requirement para sa regional political parties mula 10,000 pababa sa 5,000; pagpapanatili ng minimum 20 percent women representation sa party nominees; at pagpapatupad ng 2 percent vote threshold para sa party-seat allocation.


Isinusulong din ng panukala ang pagsi-synchronize ng unang parliamentary elections at sectoral representative elections, maliban sa non-Moro Indigenous peoples, ulama, at traditional leaders.


Binigyang-diin ni CARCL chair Sittie Fahanie Uy-Oyod, ang pangunahing pangangailangang pabilisin ang proseso upang masiguro ang maayos at napapanahong paghahanda para sa nalalapit na halalan. Ayon sa kanya, ipagpapatuloy ang deliberations ngayong Huwebes.


Ang magkakasunod na hakbang na ito ay itinuturing na kritikal sa paghubog ng mas malinaw, inklusibo, at organisadong electoral system habang papalapit ang makasaysayang unang parliamentary elections ng Bangsamoro.


 
 
 

Comments

Rated 0 out of 5 stars.
No ratings yet

Add a rating

©2024 by iMINDS PHILIPPINES. All Rights Reserved

bottom of page