Pambato ng bansa sa Worldskills ASEAN 2025 sa Information Network Cabling ay mula sa BARMM
- Diane Hora
- Aug 26
- 1 min read
iMINDSPH

Makasaysayan para sa Bangsamoro ang paglahok ng BARMM sa WorldSkills ASEAN 2025. Mula sa BARMM ang kakatawan sa bansa sa Information Network Cabling. Ito ay sa katauhan ni Jiear Laja.
Gaganapin ang prestihiyosong kompetisyon mula ngayong araw, August 26 hanggang 28, 2025 sa World Trade Center, Pasay City, kung saan magsasama-sama ang pinakamagagaling na kabataan mula sa iba’t ibang bansa sa ASEAN upang ipamalas ang husay sa technical at vocational education and training o TVET.
Si Jiear, na lalaban sa Information Network Cabling category kasama ang isa pang Pinoy contender, ay hindi lamang magdadala ng bandera ng Pilipinas kundi pati na rin ng pride at pag-asa ng Bangsamoro youth.
Noong 2024, una na siyang gumawa ng kasaysayan nang magwagi ng bronze medal sa Philippine National Skills Competition (PNSC) sa parehong skill category.
Ito ang naging daan niya para makapasok siya ngayon sa ASEAN stage, kasama ang 62 Filipino competitors sa 32 skill areas na makikipagtunggali laban sa mga delegado mula sa 11 ASEAN member-states.
Ayon sa MBHTE-TESD, ang pagkakasama ni Jiear ay isang patunay ng lumalaking kontribusyon ng BARMM sa pambansang skilled workforce.
Ang representasyong ito ay sumasalamin umano sa commitment ng BARMM na magtaguyod ng world-class professionals sa pamamagitan ng dekalidad na tech-voc education.



Comments