top of page

Pantawid Pasada o fuel subsidy program, pormal na inilunsad ng BLTFRB ng MOTC BARMM sa rehiyon

  • Diane Hora
  • Oct 1
  • 2 min read

iMINDSPH


ree

Opisyal nang inilunsad ng Ministry of Transportation and Communications sa pamamagitan ng Bangsamoro Land Transportation Franchising and Regulatory Board ang Pantawid Pasada Fuel Subsidy Program sa rehiyon.


Ito ay inisyatiba na naglalayong magbigay ng pinansyal na ayuda sa mga tsuper ng pampublikong sasakyan na apektado ng pagtaas ng presyo ng langis.


Para mag qualify, kinakailangan na ang beneficiaries ay registered franchise holders ng public utility jeepneys (PUJs), UV Express, buses, minibuses, at taxis na mayroong valid Certificate ng Public Convenience (CPC) o Provisional Authority (PA) mula sa BLTFRB.


Mahigpit ang ipinatutupad na regulatory compliance at verification process upang masiguro na ang ayuda ay mapupunta lamang sa mga lehitimong benepisyaryo.


Pinangunahan ng mga opisyal at panauhin ang seremonya, kabilang sina Senior Minister Mohammad Yacob, MOTC Minister Termizie Masahud, Deputy Minister Muhammad Ameen Abbas, Director General Atty. Roslaine Macao-Maniri, at iba pang mga lider ng MOTC at MENRE.


Nakiisa rin ang Land Bank of the Philippines Branch Head Analyn Quiring, mga tsuper, operator, at iba pang stakeholders sa transportasyon.


Sa kanyang talumpati, binigyang-diin ni Senior Minister Yacob na ang programa ay direktang tugon sa pasanin ng pagtaas ng presyo ng langis. Aniya, nakaugat sa prinsipyo ng moral governance ang bawat polisiya at aksyon ng pamahalaan, at mariin niyang binigyang-babala laban sa maling paggamit ng pondo ng bayan, katiwalian, at pansariling interes.


Samantala, tinawag ni Minister Masahud na isang momentous occasion para sa mga “unsung heroes of public transportation” ang paglulunsad. Aniya, mahalagang hakbang ito upang maibsan ang epekto ng pabago-bagong presyo ng langis, kasabay ng paalala sa mga benepisyaryo na sundin ang batas at regulasyon ng programa.


Bilang katuwang, tiniyak naman ni LBP Branch Head Quiring na napapanahon ang naturang suporta para sa mga frontliners ng transportasyon. Ipinunto niyang mahalaga ito upang matiyak ang tuloy-tuloy na serbisyo ng mga tsuper na siyang nagsisilbing gulugod ng komunidad.


Muling ipinaalala ni Deputy Minister Abbas ang kahalagahan ng patuloy na dedikasyon upang maging matagumpay ang programa. Aniya, ang Pantawid Pasada ay simbolo ng pride, opportunity, at progress para sa buong Bangsamoro community.

 
 
 

Comments

Rated 0 out of 5 stars.
No ratings yet

Add a rating

©2024 by iMINDS PHILIPPINES. All Rights Reserved

bottom of page