Panukalang Bangsamoro Agriculture and Fishery School sa Parang, isinusulong ng mga mambabatas
- Jan 20
- 2 min read
iMINDSPH

Inihain sa Bangsamoro Parliament ang Parliament Bill No. 426 o ang Bangsamoro Agriculture and Fishery School Act of 2026, na naglalayong lumikha ng isang dalubhasang institusyon para sa agrikultura at pangisdaan sa gitnang bahagi ng Maguindanao.
Ang panukalang batas ay inakda ni Baintan-Adil Ampatuan at inisponsoran ng mga kapwa mambabatas na sina Sittie Fahanie Uy-Oyod, Khalid Ma-Amor Hadji Abdullah, at Jose Lorena.
Sa ilalim ng panukala, itatatag ang Bangsamoro Agriculture and Fishery School o BAFS sa ilalim ng pangangasiwa ng Ministry of Basic, Higher, and Technical Education, katuwang ang Ministry of Agriculture, Fisheries, and Agrarian Reform para sa teknikal na suporta.
Ayon kay Ampatuan, layon ng panukalang paaralan na tugunan ang kakulangan sa specialized training sa agrikultura at pangisdaan sa central Maguindanao at mga karatig-lalawigan, kung saan nananatiling limitado ang access sa ganitong uri ng edukasyon sa kabila ng mataas na pagdepende ng rehiyon sa sektor.
Bagama’t nangunguna ang BARMM bilang fish-producing region sa bansa, sinabi ng mambabatas na hindi sapat ang kasalukuyang mga institusyon upang mapagsilbihan ang mas malawak na bilang ng kabataan at mga magsasaka.
Isinasaad sa panukalang batas, mahigit kalahati ng labor force ng Bangsamoro ang nasa sektor ng agrikultura, kagubatan, at pangisdaan noong 2019 hanggang unang bahagi ng 2020—na ikalawa sa pinakamalaking pinagmumulan ng trabaho kasunod ng sektor ng serbisyo.
Sa ilalim ng panukala, mag-aalok ang paaralan ng technical-vocational programs sa agrikultura, fisheries, aquaculture, agribusiness, at mga kaugnay na larangan, na nakaayon sa lokal na kondisyon ng lupa at baybayin. Magsisilbi rin itong research at training hub para sa mga magsasaka, mangingisda, kooperatiba, at youth organizations.
Iminumungkahi ring itayo ang paaralan sa loob ng Bangsamoro Government Center sa Parang, na itinuturing na strategic location upang mapagsilbihan ang Maguindanao at mga karatig-lugar ng Lanao del Sur.
Nakasaad din sa panukala ang paglalaan ng pondo para sa lupa, pasilidad, demonstration farms, fishery facilities, at community extension programs, habang bibigyang-priyoridad ang mga kwalipikadong Bangsamoro professionals sa faculty at administrasyon.
Sa oras na maisabatas, inaasahang magiging mahalagang hakbang ang panukalang Bangsamoro Agriculture and Fishery School sa pagpapalakas ng human capital, modernisasyon ng sektor ng agrikultura at pangisdaan, at pagpapatibay ng food security sa Bangsamoro.



Comments