Panukalang Bangsamoro Licensure Examination Assistance Act of 2025, na naglalayong itatag ang Bangsamoro Licensure Examination Assistance Program o B-LEAP sa ilalim ng Office of the Chief Minister,
- Diane Hora
- Jan 20
- 2 min read
iMINDSPH

Isang panukalang batas ang inihain sa Bangsamoro Parliament na layong tulungan ang mga Bangsamoro examinees na makayanan ang gastos sa licensure at Bar examinations.
Ito ang Parliament Bill No. 425 o ang Bangsamoro Licensure Examination Assistance Act of 2025, na naglalayong itatag ang Bangsamoro Licensure Examination Assistance Program o B-LEAP sa ilalim ng Office of the Chief Minister.
Ang panukala ay inakda ni BTA Deputy Speaker Baintan-Adil Ampatuan kasama sina MP Sittie Fahanie Uy-Oyod, Khalid Ma-Amor Hadji Abdullah, at Jose Lorena.
Sa ilalim ng B-LEAP, bibigyan ng tulong-pinansyal ang mga kwalipikadong Bangsamoro residents na maghahanda para sa mga pagsusulit ng Professional Regulation Commission at ng Bar examinations sa ilalim ng Supreme Court of the Philippines.
Ayon kay Ampatuan, ang mas maraming lisensyadong propesyonal ay magpapalakas sa workforce at sa paghahatid ng serbisyong publiko sa Bangsamoro.
Saklaw ng tulong ang review center fees, pamasahe, pagkain, at tirahan sa panahon ng review at pagsusulit, pati na ang pagbili ng review books at iba pang learning materials. May karagdagang suporta rin para sa mga examinees mula sa low-income households, mga ulila, persons with disabilities, Indigenous Peoples, at iba pang marginalized sectors.
Bukas ang programa sa mga kwalipikadong residente ng BARMM, kabilang ang mga Bangsamoro na nag-aaral o nagtatrabaho sa labas ng rehiyon, basta’t makapagpakita ng patunay ng permanent residency.
Kabilang sa mga rekisito ang dokumento ng residency, patunay ng eligibility sa PRC o Bar exam, ebidensya ng pangangailangang pinansyal, at sinumpaang salaysay sa wastong paggamit ng subsidiya.
Nakasaad din sa panukala na ang mga benepisyaryong makakatanggap ng tulong ay hinihikayat na magbigay ng hindi bababa sa 60 oras ng boluntaryong community service sa loob ng BARMM sa loob ng isang taon matapos kumuha ng pagsusulit.
Ayon sa mga may-akda, ang B-LEAP ay isang pamumuhunan sa human capital ng Bangsamoro—na magbubunga ng mas maraming guro, nars, inhinyero, abogado, at iba pang propesyonal na kailangan ng mga komunidad. Ang panukalang batas ay dumaan na sa first reading at sasailalim pa sa mga susunod na deliberasyon sa Bangsamoro Parliament.



Comments