Panukalang Bangsamoro Nutrition Commission, aprubado na ng BTA Parliament sa 3rd at final reading
- Jan 22
- 2 min read
iMINDSPH

Inaprubahan ng Bangsamoro Parliament sa ikatlo at pinal na pagbasa ang Parliament Bill No. 55, o ang Bangsamoro Nutrition Commission Act of 2025, na naglalayong magtatag ng isang regional commission na mangunguna sa paggawa ng polisiya, koordinasyon, at pagsubaybay ng mga programa sa nutrisyon at food security sa buong Bangsamoro Autonomous Region.
Ang panukala ay pangunahing inakda ni MP Kadil Sinolinding Jr., Health Minister ng BARMM, at ng dating miyembro ng Parliament na si Amilbahar Mawallil.
Una itong inihain bilang Bangsamoro Nutrition Council, ngunit kalaunan ay inamyendahan upang gawing ganap na Nutrition Commission, na may mas malawak na kapangyarihan at mas matibay na mandato. Ayon sa mga mambabatas, layunin ng pagbabagong ito na palakasin ang kakayahan ng rehiyon sa pagtugon sa malulubhang problema sa nutrisyon at tiyakin ang mas maayos na koordinasyon sa pagitan ng mga ministeryo at lokal na pamahalaan.
Sa ilalim ng batas, ang Bangsamoro Nutrition Commission ay ilalagay sa ilalim ng Office of the Chief Minister at magsisilbing sentral na ahensya sa policymaking at koordinasyon ng mga programang may kaugnayan sa nutrisyon, kalusugan, at seguridad sa pagkain. Pangungunahan din nito ang pagbalangkas ng Bangsamoro Plan of Action for Nutrition at ng Bangsamoro Food Security and Nutrition Plan.
Makikipag-ugnayan din ang komisyon sa National Nutrition Council upang matiyak na ang mga patakaran ng BARMM ay kaayon ng pambansang pamantayan, habang isinasaalang-alang ang mga natatanging pangangailangan ng rehiyon.
Batay sa 2023 National Nutrition Survey, tinatayang 34.3 porsyento ng mga batang Bangsamoro na limang taong gulang pababa ang bansot o stunted, habang patuloy namang nakararanas ng iba’t ibang anyo ng malnutrisyon ang maraming pamilya—kabilang ang mga bata, matatanda, at mga buntis.
Ayon kay Sinolinding, kabilang din ang BARMM sa mga rehiyong may pinakamataas na antas ng household food insecurity. Aniya, makatutulong ang itatatag na komisyon upang tuluyang maputol ang siklo ng gutom at malnutrisyon sa pamamagitan ng tuloy-tuloy at siyentipikong mga interbensyon sa mga komunidad.
Samantala, sa panukalang 2026 regional budget, pangalawa sa may pinakamalaking alokasyon ang Ministry of Health—patunay ng mataas na prayoridad ng administrasyon sa kalusugan at nutrisyon.
Naunan nang tinukoy ni Member of Parliament at BARMM Interim Chief Minister Abdulraof Macacua, na isa ring co-author ng panukala, ang child malnutrition bilang isa sa pangunahing prayoridad ng kanyang administrasyon.
Kabilang din sa mga co-author ng panukala sina MPs Laisa Alamia, Sha Elijah Dumama-Alba, Suharto Ambolodto, Baintan Ampatuan, Rasul Ismael, Don Mustapha Loong, Rasol Mitmug Jr., at dating MP Aida Silongan.



Comments