Panukalang magtatakda ng malinaw at sensitibong pamantayan sa pag-uri ng mga lokal na sigalot sa BARMM, isinusulong sa pamamagitan ng Responsible Conflict Characterization Act
- Jan 27
- 2 min read
iMINDSPH

Ayon sa mga principal authors na sina Mohammad Kelie Antao at Suharto Ambolodto, ang “rido” ay historikal na tumutukoy sa malulubha at mararahas na clan feuds na nagdudulot ng pagkasawi, pagkawasak ng ari-arian, at paglikas ng mga pamilya. Subalit sa kasalukuyan, madalas na umano itong ikinakabit kahit sa simpleng hindi pagkakaunawaan, na nagdudulot ng maling pagbasa sa sitwasyon ng seguridad sa mga komunidad.
Sa ilalim ng panukalang Responsible Conflict Characterization Act, layon ng mga mambabatas na magtakda ng malinaw at sensitibong pamantayan sa pag-uuri ng mga lokal na sigalot sa BARMM. Hindi lamang nito pinoprotektahan ang kahulugan ng isang mahalagang terminong kultural, kundi tinutulungan ding maitama ang direksiyon ng peacebuilding efforts at paggamit ng limitadong pondo at resources.
Binibigyang-diin ng panukala na ang hindi tamang pag-label ng alitan bilang “rido” ay maaaring magpalala ng tensyon, magdulot ng takot sa publiko, at ilihis ang atensyon mula sa mas seryosong banta sa kapayapaan. Sa halip, hinihikayat ang mga komunidad na lutasin ang maliliit na sigalot sa pamamagitan ng tradisyunal, lokal, at hindi marahas na mekanismo.
Saklaw din ng panukala ang pananagutan ng media, mga opisyal ng pamahalaan, at komunidad sa wastong paggamit ng termino. Nakapaloob dito ang mga posibleng parusa—mula multang ₱10,000 hanggang ₱100,000, public apology, o community service—para sa paulit-ulit na maling paggamit.
Upang suportahan ang implementasyon, magsasagawa ng anim na buwang information at education campaign ang Ministry of Public Order and Safety, katuwang ang Ministry of Basic, Higher and Technical Education, upang palalimin ang pag-unawa ng publiko sa tamang conflict classification at cultural sensitivity.
Ang panukala ay nasa unang pagbasa pa lamang at co-authored nina Suwaib Oranon, Tawakal Midtimbang, Mudjib Abu, at Butch Malang.
Kung maisasabatas, inaasahang mas magiging malinaw ang pagharap sa mga alitan sa BARMM—kung alin ang nangangailangan ng agarang interbensyong pangkapayapaan, at alin ang maaaring resolbahin sa antas ng komunidad—patungo sa mas tumpak, makatarungan, at pangmatagalang kapayapaan sa rehiyon.



Comments